CHIARA MAY PERMENTILLA: VOLLEYBALL, TULAY SA MGA PANGARAP

(NI ZIA A. JINGCO)

HINDI na bago sa mga magulang ang mangarap para sa kanilang mga anak. Sabi nga ng marami, walang magulang ang naghangad ng hindi maganda para sa kanilang mga anak.

Alam ito ni Adamson Lady Falcons’ Chiara May T. Permentilla kaya’t hindi siya nagdalawang-isip na sundin ang gusto ng kanyang ina–ang maging volleyball player at magtapos ng pag-aaral.

Tubong Lipa City, Batangas, nasa second grade ang nag-iisang babae sa tatlong magkakapatid nang magdesisyon ang kanyang pamilya na pansamantalang manirahan sa Tuscan capital of Florence, Italy. Nasa third o fourth grade na siya nang himukin siya ng kanyang ina, na isang dating volleyball player, na subukan ang naturang sports para makatapos siya ng pag-aaral.

Pagsapit ng fifth grade ay nakikipagsabayan na si Chiara May sa mas matatangkad at malalaking volleyball players sa kanilang school. Ngunit biglang nagdesisyon ang kanyang pamilya na bumalik sa Pilipinas.
Sa Canossa Academy Lipa na niya tinapos ang kanyang high school. Sa De La Salle Lipa naman siya nagkolehiyo kung saan ay itinuloy niya ang paglalaro ng volleyball.

Sa isang araw na liga na ginanap sa kanyang alma mater na Canossa, nagkataong nakalaban ni Chiara May ang team ni Cherry Macatangay, dating player na naging assistant coach ng Lady Falcons at alumna ng naturang high school.
Hinikayat ni Macatangay si Chiara May na mag-try out sa Adamson. At matapos ang mahaba-habang pag-iisip, nagdesisyon siyang subukan ang inaalok ng una.

Ngayon ay tatlong taon nang miyembro ng Lady Falcons ang BSBA Marketing Management student na si Chiara May, na patuloy na nagsisikap upang maabot ang pangarap ng ina para sa kanya.

“I’d do anything to make them (my family) proud,” aniya. Of course, I won’t be a player my whole life, kaya gusto kong makatapos ng pag-aaral.”

Dagdag pa niya: “Dream big and focus on your priorities. Trust God and His timing, and never question your capabilities as a player.”

240

Related posts

Leave a Comment