CRUCIAL WIN IHIHIRIT NG GILAS KONTRA KAZAKHSTAN

gilas

(NI JOSEPH BONIFACIO)

WALANG pahi-pahinga sa determinadong Gilas Pilipinas na sasalang ngayong gabi kontra Kazakhstan sa huling playdate ng krusyal na 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Saryaka Velodrome sa Kazakhstan.

Nakatakda ang sagupaan sa ganap na alas-10:30 ng gabi (Manila time).

Bukod sa pagod sa mahabang biyahe, dagdag pa sa problema ng RP 5 ang napakalalamig na klima sa nasabing bansa.

Kagagaling lamang sa malaking 84-46 tagumpay kontra Qatar nitong Huwebes, lumipad agad pa-Istanbul, Turkey ang Nationals kung saan sila natengga ng walong oras na layover bunsod ng kawalan ng direct flight papunta sa Astana, Kazakhstan.

Kahapon ng umaga lang dumating sa Astana ang koponan na sinalubong ng -11 degree Celsius na klima sa kabisera ng Kazakhstan.

“That’s the main concern, the weather. We don’t have enough time to acclimatize so we’ll see what happens,”ani Guiao.

Pero sa kabila nito, tiwala si Guiao na makakaganti sila sa Kazakhstan na siyang sumilat sa Gilas, 92-88, sa fifth window noong nakaraang Nobyembre sa Maynila.

“We did a good job against Qatar but I just told them to get ready for something that is more difficult than that,” dagdag ni Guiao. “Physically anmd mentally, I think we’re ready and tough enough to play in such extreme condition.”

Matapos magtala ng 17 puntos, 15 rebounds at 7 assists sa 38-puntos na panalo kontra Qatar, pangungunahan ni naturalized player Andray Blatche ang koponan na kailangang maipanalo ang laban kontra Kazakhstan upang mapanatiling buhay ang pag-asang makapasok sa World Cup na gaganapin sa China ngayong Agosto.

Inaasahang tutulong sa Gilas si Roger Pogoy na magbabalik sa koponan matapos ang limang larong FIBA suspensions.

 

KUMPLIKADONG SITWASYON

 

Samantala, nasa kumplikadong sitwasyon ang Gilas. Kahit manalo kontra Kazahstan ay kailangan pang magdasal ng tropa ni Guiao sa kabiguan ng ilang koponan upang makasikwat ng puwesto sa World Cup.

Dahil sa ngayon, nananatili pa rin sa ikaapat na puwesto ang Gilas sa Group B hawak ang 6-5 baraha sa likod ng Australia (10-1), Japan (7-4) at Iran (7-4).

Kahit pa manalo kontra Kazakhstan, maaaring hindi na maabot ng Gilas ang top three sa Group F lalo’t tatlo lamang kada koponan ang aabante sa World Cup.

Buti na lang, namumuro ang Gilas sa asinta nitong best fourth placer na mabibigyan din ng tiket sa world stage lalo’t dikit-dikit ang standings sa Group E sa pangunguna ng New Zealand (10-1), Korea (9-2), China (6-5), Lebanon (6-5) at Jordan (6-5), basta’t maipanalo lamang ang huling laban kontra Kazakhstan.

Upang matupad ang misyon, kailangang matalo ng Jordan o Lebanon sa natitirang laban nito na kasabay din ng laban ng Gilas kontra Kazakhstan.

Sasagupain ng Jordan ang New Zealand habang ang Lebanon naman ay babangga sa Korea sa parehong oras na 10:30 pm.

132

Related posts

Leave a Comment