PIPILITING bumangon ng Gilas Pilipinas mula sa nakahihiyang winless performance sa World Cup sa China noong Setyembre sa pamamagitan ng pagdedepensa sa kanilang gold medal sa darating ng 30th Southeast Asian Games.
At upang maisakatuparan ito, muling isinama sa national team roster sina Kiefer Ravena at Christian Standhardinger, dalawa sa key players sa gold finish ng bansa sa men’s basketball sa 2017 Southeast Asian Games.
Kabilang din sa bubuo sa Gilas Pilipinas na sasabak sa SEA Games ang mga kapwa 2019 FIBA World Cup veteran ni Ravena na sina Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Roger Pogoy at Troy Rosario.
Makakasama rin nila sina Marcio Lassiter, Vic Manuel, Stanley Pringle, Chris Ross, LA Tenorio at Matthew Wright, habang si Alfrancis Chua ang tatayong team adviser at head coach si Tim Cone.
“Although the decision was surely not easy, the SBP have complete trust in the team and we’re excited to defend our crown as the best basketball team in the region,” ani Samahan ng Basketbol sa Pilipinas president Al Panlilio sa isang press statement.
Target ni Ravena, ipinalit sa na-injured na si Jayson Castro, na kolektahin ang ikalimang gintong medalya sa kasing daming sinalihang SEA Games.
Agad sasalang ang Gilas kontra Singapore sa pagsisimula ng men’s basketball competitions sa Disyebre 4, sunod na makakalaban nila ang Vietnam sa Dis. 6, at Myanmar sa Dis. 7.
177