JUDOKAS, MAGHAHASA SA JAPAN

judo77

(NI JEAN MALANUM)

NAKATAKDANG umalis patungong Japan ang national judo team para sumali sa World Championships bilang tune-up tournament sa darating na 30th SEA Games.

May 880 atleta mula sa 152 bansa ang lalahok sa World Championships na magsisilbing test event para sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa Nippon Budokan na mismong competition venue ng Olympic Games gagawin ang World Championships sa Agosto 25- Setyembre 1.

Ang koponan na aalis sa Agosto 23 ay binubuo nina Ma. Jeanalane Lopez (under 48kgs), Kryzzie Pabulayan (under 52kgs), Bryn Quillotes (under 60kgs), Marco Tumampad (under 81kgs), JV Ferrer (under 90kgs), Carl Dave Aseneta (under 100kgs) at coaches Franco Teves (men) at Helen Dawa (women).

Magkikita-kita na lang sa Japan ang mga Pinoy judokas at ang kanilang teammates na sina 2018 Asian Games silver medalist at 2017 SEAG gold medalist Kiyomi Watanabe (under 63kg); 2017 SEAG gold medalist Mariya Takahashi (under 70kgs) at bronze medalists Shugen Nakano (under 66kgs), Keisei Nakano (under 73kgs);  Rena Furukawa (under 57kgs), Ryoko Salinas (above 78kgs) at Shin Matsumura (above 100kgs).

Ayon kay Teves, nais ng national judokas na makapagsanay sa Japan mula Setyembre 15 hanggang Nobyembre 22.

“Hindi sapat ang training dito sa Pilipinas kaya nag-request kami ng training sa abroad para magkaroon ng mas marami at mas malalakas na sparring partners ang ating mga atleta,” paliwanag ni Teves na bronze medalist (under 55kgs) noong 2003 (Vietnam) at 2005 (Manila).

Target ng Pilipinas na makasungkit ng tatlong ginto sa SEA Games na gagawin sa bansa mula Nobyembre 30-Disyembre 11.

Marami ang umaasa na hindi lang ang mga Fil-Japanese ang magpapakitang-gilas sa SEAG, kundi pati na rin ang mga homegrown athletes na pawang mahuhusay.

“All our top athletes are diligently preparing to achieve that goal plus our local athletes will also be training abroad,” sabi ni Philippine Amateur Judo Association (PAJA) president Dave Carter.

Sa medal tally board ng judo noong 2017 SEAG sa Malaysia, pumangalawa ang Pilipinas (2 golds at 3 bronzes) sa Indonesia (2 golds, one silver at 1 bronze). Pangatlo ang Thailand (1-2-1) kasunod ng Vietnam (1-1-2), Malaysia (0-1-3) at Myanmar (0-1-0).

 

211

Related posts

Leave a Comment