MALAPIT na ang Mayo 12, kung kailan pormal na sisimulan ang Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam. At marami ang umaasa na madedepensahan ng Pilipinas ang pangkalahatang kampeonatong nakamit nito nang idaos sa bansa ang 30th edition noong 2019.
Kumpiyansa ang Philippine Olympic Committee (POC) sa fighting chance ng ating mga pambansang atleta, sa kabila ng kakulangan sa preparasyon dulot ng COVID-19 pandemic. Samantala, tanggap ng Philippine Sports Commission (PSC) ang katotohanang maaaring maagaw sa atin ang overall championship sa biennial meet.
Ayon kay 31st SEAG’s Philippine chef de mission at PSC Commissioner Ramon Fernandez, kahit 3rd place ay okey na, basta’t hindi mawala sa winning column ang 987-miyembrong delegasyon na tutungo sa Vietnam. Sa kabuuang bilang na ito, 646 ay mga atleteta at 296 ay mga coach at officials. May 45 pang non-delegation members mula sa POC na gagastusan ng PSC para makatulong sa booking ng flights at tutuluyan sa Olympic Village.
Aminado si Fernandez, malaking paktor kaya’t hindi sila masyadong umaasa na makaka-back-to-back overall championship ang Team PH ay dahil sa kakulangan ng paghahanda ng mga atleta dala ng COVID-19. “Despite this, getting to the top three is doable,” anang four-time PBA MVP. “Our athletes are in the final stages of preparation as they fine-tune in practice. But that’s all we can do, we hope for the best.”
Ang pambansang koponan noong 2019 ay nakapagbulsa ng 149 gintong medalya, 117 pilak at 121 tanso. Pumangalawa ang host ngayon na Vietnam na may 98-85-105; pangatlo ang Thailand 92-89-103; kasunod ang Indonesia (72-84-111); Malaysia, (56-57-71) at Singapore (53-46-68).
Sinabi ni Vietnam CDM, batid niyang dadaan sa butas ng karayom ang mga atletang Pinoy para madepensahan ang pangkalahatang kampeonato. “A tough task considering that some of the sport disciplines that were in the 2019 calendar have been slashed in this year’s staging.”
Tinutukoy niya ang arnis, isang sport na nagsimula sa ating bansa at kung saan humakot ang mga Pinoy eskrimador ng 14 gintong medalya, 4 silver at 2 bronze noong 30th SEAG.
“We know that Vietnam is the host, they are expected to figure mightily for the overall title. They have sports that they are expected to really be dominant,” paliwanag ni Fernandez, bumiyahe na noong Linggo sa Hanoi kasama ang ilang miyembro ng pambansang delegasyon para sa ilang early events gaya ng football, na magsisimula na ngayon (Biyernes).
216