LABAN KAY THURMAN; PACQUIAO LIYAMADO

pac44

(NI VIRGI T. ROMANO, Saksi Ngayon Sports Editor)

 

LAS VEGAS – Tuluyan na ngang nabaligtad ang pustahan.

Sa pagdating ni eight division world champion Manny Pacquiao dito,  umangat pa ang pagiging paborito niya laban kay Keith Thurman.

Sa ngayon, si Pacquiao ay itinalagang -155 laban sa unbeaten champion na si Thurman para sa kanilang World Boxing Association (WBA) welterweight showdown sa Sabado sa MGM Grand Garden Arena. Habang si Thurman, na unang naging paborito sa laban ay underdog na ngayon sa +125.

Ibig sabihin nito, ang pustang $155 kay Pacquiao ay kakabig lamang ng $100 (kapag nanalo ang Pinoy champion), at ang bet na $100 kay Thurman ay mananalo ng $125.

Ayon sa mga eksperto, maaring lumaki pa ang gap ng betting odds nina Pacquiao at Thurman habang lalong papalapit ang laban. At hindi rin umano iyon nakapagtataka.

Nang ianunsyo ang Pacquiao vs Thurman fight noong Marso, biglang sumirit sa betting odds na paboritong mananalo si Thurman, dahil sa pagiging undefeated nito.

Subalit, habang dumadaan ang mga araw, nababawasan ang pagiging paborito ng Florida native boxer, lalo na nang ihayag ni Pacquiao na naiirita siya sa mga pinagsasabi nito laban sa kanya.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagta-trash talk ni Thurman kay Pacquiao. Bagay na tinatawanan na lamang ng Fighting Senator dahil ayaw niyang magpaapekto rito.

Ang pagiging paborito ni Pacquiao, sa kabila na 40 anyos na siya, ay base na rin sa mga nagdaang laban, pati na ang paghahandang ginagawa niya.

Dalawang beses lamang naging underdog si Pacquiao sa kanyang naging laban sapul nang talunin niya si Lehlo Ledwaba ng South Africa noong 2001.

At ito ay ang mga laban niya kina Oscar De La Hoya, na tuluyan niyang pinagretiro noong 2008, at kay Floyd Mayweather noong 2015, kung saan natalo ang Pambansang Kamao.

128

Related posts

Leave a Comment