IBINUHOS ng Muntinlupa Volleyball Club ang isa pang impresibong pagwalis sa boys and girls division ng Philippine Volleyball Federation (PVF)-Tanduay Athletics U18 Beach Volleyball Championships nitong weekend sa Tanduay Athletics Volleyball Center sa Taguig City.
Pinataob ng MVC boys team nina Jorial Roxas at Prince Perez ang tambalan nina Timothy Carl Pomisaran at Macariel Barro ng Green Valley Academy, habang nanaig ang duo nina MVC girls Cecilia Logronio at Samantha Nicole Sapadan kontra Ak Campos at Juliana Dela Paz ng Stalwart Volleyball Club.
Kabuuang 29 koponan, 15 sa kalalakihan at 14 sa kababaihan na mula sa pribado at pampublikong eskwelahan sa Lopez, Quezon, Pangasinan, Pampanga, Bataan, Cavite, Laguna, Bulacan at Metro-Manila, ang sumabak sa torneo na bahagi ng grassroots sports development program ng PVF na pinamumununa ni Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada.
Bukod sa libreng entry fee, pagkain at inumin, hindi na rin pinroblema ng mga kalahok na mula sa malalayong lugar ang tutuluyan dahil in-accommodate sila sa athletes’ quarter ng Cantada Center.
“Everything was complimentary. The swimming pool beside the sandcourts was made available to the participants for in-between- match dips refreshing,” sabi ni Cantada.
Sa pagtatapos ng kompetisyon ay maraming naging pabaon ang PVF sa mga kabataang atleta– masayang karanasan at ekspiriyensa, at mga bagong kaalaman at kaibigan. (DENNIS INIGO)
221