(NI JEAN MALANUM)
MAGBIBIGAY ng cash incentive ang Philippine Sports Commission (PSC) kina gymnast Carlos Yulo at boxers Nesty Petecio at Eumir Marcial dahil sa karangalan na ibinigay nila sa bansa.
Tatanggap ng P1 milyon si Yulo matapos na makakuha ng slot sa 2020 Tokyo Olympics dahil sa mahusay na performance niya sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Stuttgart, Germany.
Ang P1 milyon ay magmumula sa R.A. 10699 o Expanded Incentives Act (P500,000) at sa napag-usapan ng PSC Board na P500,000 bilang additional monetory reward sa pagtatala ng record bilang unang Pilipino na nanalo ng gold medal sa floor exercise event.
Ayon din sa R.A. 10699, P1 milyon din ang ibibigay kay Petecio sa pagkakapanalo ng gold medal sa AIBA Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Buryatin, Russia, samantalang P500,000 naman ang mapupunta kay Marcial na naka-silver sa AIBA World Boxing Championships sa Ekatirinburg, Sverdlock Oblast, Russia.
Ginastusan ng PSC ang foreign trips ng tatlong atleta gayundin ang international training at competition nina weightlifter Hidilyn Diaz at pole vaulter EJ Obiena.
Si Obiena ang unang Filipino na nag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics nang magwagi ito sa Italy noong Agosto.
Sinabi ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na magkakaroon din ng sariling team si Yulo tulad nina Diaz at Obiena.
Samantala, hindi lang ang PSC ang magkakaloob ng insentibo kina Yulo at Petecio. Kundi maging ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation (MVPSF) ay nakatakda ring magkaloob ng tig-P1 milyon sa dalawang nabanggit na atleta.
“The Filipino athletes will always have an ally in the MVP Sports Foundation (MVPSF). We know we have world class athletes and we know they can be the best in the world if they get the support they needed,” lahad ni Al S. Panlilio sa isang official statement.
311