PACQUIAO, ROACH MAY REUNION

Muling tinapik ni Manny Pacquiao ang serbisyo ni Hall-of-Fame trainer Freddie Roach para sa kanyang nalalapit na laban kay Adrien Broner sa Enero 19, 2019.

Isiniwalat ni Pacquiao bago ang press conference nitong Lunes sa Manhattan, New York na magtutulong sina Roach at Buboy Fernandez sa training camp at maging sa gabi ng laban sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Magugunitang hindi si Roach ang naging chief trainer ni Pacquiao nang labanan at talunin via seventh-round KO si Lucas Matthysse noong Hulyo sa Kuala Lumpur.

Nilinaw din ni Pacquiao na hindi niya sinipa si Roach bilang trainer, bagamat nagpahayag ng pagkadismaya ang premyadong trainer dahil hindi siya personal na kinausap ng Fighting Senator para sa Matthysse match.

Pero binigyang-diin ni Roach sa mga nakalipas na interview, na nananatili siyang loyal kay Pacquiao at handa siyang muling makatrabaho ang 39-anyos na boksingero sakaling hilingin nito ang kanyang tulong.

At laban kay Broner, muli ngang eeksena si Roach.

“Me and Freddie, we have a good relationship since 2001,” lahad ni Pacquiao.  “We don’t have problems in terms of training, sharing our knowledge about strategy, techniques in training. We don’t have problems with that.”

Pero, hindi gaya sa mga nakalipas nilang training camp, hindi na masyadong mapapagod si Roach. Nais ni Pacquiao na ‘supervisory work’ na lamang ang gagawin ng guro at hayaan si Fernandez sa physical work gaya ng mitts.

At tulad sa mga nakaraang training camp, kumpiyansa si Pacquiao na magiging maayos ang teamwork nina Roach at Fernandez para sa paghahanda ng kanyang laban na ipo-promote ng Showtime Pay-Per-View main event.

“[Roach] can rest and just watch the training, and instruct the training, strategy-wise, advise some techniques like that. Because Buboy, he knows what Freddie wants,” paliwanag pa ni Pacquiao.

Si Pacquiao (59-7-2, 39 Kos) ay kasalukuyang nasa Amerika para sa two-city tour. Sa Martes ay isa pang presscon ang dadaluhan nila ni Broner  (33-3-1, 24Kos, 1 NC) sa Beverly Hills at pagbalik sa Pilipinas ay sasabak na agad sa ensayo, bago lilipad sa gym ni Roach sa Wild Car Boxing Club sa Hollywood bago mag-Pasko.

Sa Sabado ay makakabili na ng tiket para sa Pacquiao-Broner fight. Ang tiket ay nagkakahalaga ng mula $100 hanggang $1,500.

128

Related posts

Leave a Comment