Panalo sa 2021 U.S. Open Pool PINAGPASA-DIYOS NI BIADO

0

Ni ANN ENCARNACION

IPINANALANGIN ni 2021 U.S. Open Pool champion Carlo Biado ang final game niya laban kay Aloysius Yapp ng Singapore.

Kwento ng 37-anyos at ­dating golf caddie-turned billiard player na si Biado, humingi siya ng tulong sa Diyos noong lumamang si Yapp, 4-8, sa final match-up nila.

“Nanalangin po ako noong time na iyun kay Lord na sana mabigyan ako ng isa pang chance at sign para magawa ko ang dapat kong gawin para sa kanya. Iniisip ko na ­kapag ­nagkaroon ng chance ay ­ga­gawin ko na maging agresibo at ­magpokus sa laban, at iyun nga ­sumablay ang kalaban,” sabi ng Pinoy cue artist.

At nagawa ngang umahon ni Biado at magwagi, 13-8, sa matira-matibay na kampeonato na ginanap Linggo sa Atlantic City, New Jersey.

Ang tagumpay ay nagtulak kay Biado upang maging ika­lawa pa lamang na Pilipino na nakasungkit sa prestihiyosong titulo. Ang pinakaunang nakagawa nito ay si “The Magician” at pool legend Efren “Bata” Reyes noong 1994 laban sa Amerikanong kampeon na si Nick Varner.

Kaya sobra ang saya at pasasalamat ni Biado, na aminadong tagahanga ni Reyes.

“Idol na idol ko po talaga si Tata Efren, bata pa lamang ako sinusundan ko na siya. Nakakatuwa po na masundan ko ang mga yapak niya,” wika pa ng bagong U.S. Open Pool champ.

Narito ang iba pang karangalang naiuwi ni Biado: 2017 World Games gold medalist, 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games bronze medalist, Southeast Asian Games 2015 Singapore gold sa doubles at bronze sa ­singles, SEAG 2017 Kuala Lumpur ­singles gold ­medalist, at SEAG 2019 ­Philippines doubles gold ­medalist.

‘DI SAKOP NG INCENTIVES ACT

Hindi kasama ang latest feat ni Biado sa Republic Act 10699 o Athletes Incentive Act.

Mismong si Billiards Sports confederation of the Philippines (BSCP) secretary general ­Robert Mananquil ang nagkumpirma nito sa kanyang pagdalo sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) online forum na suportado ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Hindi kasi mention ang sports na billiards sa batas kasi nga may status na professional tayo. But hopefully, sana ay ­mabigyan si Carlo ng mga Citations at incentive para makatulong din sa kanya,” wika ni Mananquiil.

Aminado si Biado na matagal na niyang hinahangad na mapagwagian ang US Open Pool title at maipakita muli ang husay ng mga Filipinong cue artists sa mundo. “Matagal ko na talagang inaasam ito. Ito iyung pinaka-prestigious event saka 256 kasaling players at world class ang tournament. Kaya talagang ipinakita ko sa ibabaw ng table ang katuwaan ko.”

Sunod na sasalihan ni Biado ang World 10-Ball sa Las Vegas, Asian Indoor and Martial Arts Games, World Games at kung matutuloy, ang Southeast Asian Games.

‘”Nagpunta muna ako dito sa U.S. para sumali sa mga tournament kasi kailangan ko rin kumita,” pagtatapat niya.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment