SASANDIGAN ng bansa sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol sa darating na 2020 Fiba 3×3 Olympic Qualifying Tournament.
Ang dalawa ang nangungunang 3×3 Filipino players, na inaasahang magbibitbit sa national team patungo sa pinaparangap ng lahat na Olympic gold.
Kabilang din sa national pool sina Dylan Ababou, Karl Dehesa, Leonard Santillan, Chris De Chavez, Gab Banal, Jaypee Belencion, Leo De Vera, at Ryan Monteclaro.
Base sa Fiba 3×3 rules, apat lamang sa anim na players ang magiging parte ng koponan na dapat nakatipon ng sapat na puntos mula sa mga sinalihang torneo at kabilang sa Top 10 rankings ng bansa.
Simula pa noong Disyembre ng nakaraang taon ay tuloy-tuloy na ang pag-eensayo ng koponan na personal na binabantayan nina Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 commissioner Eric Altamirano, Liman Ace at China head coach Stefan Stojacic, kasama si Serbian strength and conditioning coach Darko Krsman.
Ang OQT ay isasagawa simula Marso 18 hanggang 22 sa India kung saan ang tatlong mangungunang koponan ang awtomatikong makakakuha ng silya sa 2020 Tokyo Olympics. (ANN ENCARNACION)
150