(NI ANN ENCARNACION)
ANIM hanggang 12 na ginto ang inaasam na maibulsa ng Pilipinas sa medal rich sports na athletics sa 2019 Southeast Asian Games simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sinabi ni Philippine Athletics’ Track and Field Association (PATAFA) president Philip Juico, sigurado na ang anim ngunit target nila ang hanggang sa 12 gold medals sa 48 paglalabanang athletics event sa 30th SEA Games.
Hinamon ni Juico ang mga atletang posibleng magwawagi ng pilak na “go for the gold” at gumawa ng bagong kasaysayan sa ihohost ng bansa na biennial meet.
Base sa estima ng PATAFA, makasusungkit ng 6-10-8 (ginto-pilak-tanso) ang mga national ahtletes sa athletics events na magsisimula Disyembre 5 hanggang 10 sa 9,500-ektarya at 20,000-seater New Clark City Stadium.
“Sa triple jump, it’s Harry Diones. He has been a little inconsistent, kaya lang tumataas ang ranking niya. From silver, puwedeng mag-gold iyan. In decathlon, it’s Aries Toledo, who won gold in Kuala Lumpur. Probably good for a silver, pero puwede rin mag-gold.”
Ayon kay Juico, hinimok niya ang mga pambato ng bansa na ibiga na ang lahat ng kanilang makakaya sa 30th SEAG.
“We urge them to go for it. Ibigay na ang lahat for our country.”
Hindi naman niya naitago ang pangamba para sa kasalukuyang marathon champion na si Mary Joy Tabal dahil sa pares ng dalawang Thai runner na aniya ay “breathing down her (Tabal’s) neck.”
Kaya’t konserbatibo niyang prediksyon, maglalaro sa anim hanggang 12 ang makukuhang ginto ng mga Pinoy sa athletics. “It (gold count) could be anywhere between 6 to 12 golds.”
Inaasahan nang babandera para sa Filipino tracksters sina pole vaulter Ernest John Obiena at Natalie Uy, 800-meter specialist Carter Lilly, hurdles champ Eric Cray, sprinter Kristina Knott at bagong recruit na shot-putter na si William Morrison.
Ang 21-anyos na si Morrison ay naghagis ng layo na 20.4 metro distansiya sa Bloomington, Indiana meet noong Hunyo. Ang distansiya ay dalawang metro ang layo sa 17.42 metro ni Promrob Juntima ng Thailand na itinala nito nang magwagi ng ginto noong 2017 SEA Games.
Ang hagis ni Morrison ay kalahating metro na kulang sa Olympic standard ng 21.1 metro para magkuwalipika siya sa 2020 Tokyo Olympics.
“Morrison is a candidate for the Olympics. Kaya because he is throwing in the 20s,” sabi ni Juico.
Ang isa pang Fil-Am na si Cray ang pambato ng bansa sa men’s 400-meter hurdles kung saan siyang ang no. 1 sa SEA rankings.
Isa pang aasahan si Lilly na pinabilis pa ang tiyempo sa 1:48.00 sa men’s 800-meter run.
Ang mga pole-vaulters na sina Obiena at Uy na gold at bronze medalists sa Asian Athletics Championship sa Doha, ayon sa pagkakasunod, ay kapwa nangunguna sa rankings sa buong rehiyon.
108