MAGSISIMULA ngayon ang pakikibaka ng Philippine boxing team, na kinabibilangan ng reigning world champion, para sa inaasam na overall title sa boksing sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa bansa.
Handang-handa na ang mga pambato ng bansa na sina 2019 International Boxing Association women’s featherweight belt-owner Nesthy Petecio at ex-titleholders Eumir Marcial at Josie Gabuco at iba pang teammates na gawin ang kanilang misyon simula ngayong araw sa PICC Forum.
Si Gabuco ay light-flyweight titlist noong 2012, habang si Marcial ay dating world junior middleweight titleholder at naging silver medallist sa 2019 AIBA championships sa Russia.
Sinabi ni Association of Boxing Alliances of the Philippines secretary general Ed Picson, target nilang mabawi ang overall title sa boksing na huling nahawakan ng bansa apat na taon na ang nakararaan sa Singapore, kung saan nakapaguwi tayo ng limang gintong medalya.
“It won’t be easy, but we’ll try,” ani Picson. “Our boys and girls have already proven their worth in several international competitions they took part in so, busog sa karanasan ang mga ‘yan.”
“Besides, they’ll be fighting in their homeland and before their countrymen, kaya we in ABAP are sure inspired at properly motivated ang ating koponan,” dagdag niya.
Sinang-ayunan naman ni head coach Ronaldo Cjavez at kanyang assistant na si Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco ang pahayag ng ABAP secretary general.
“Yeah, we can make it as overall champion,” ani Chavez at Velasco. “Ensayado ang mga bata at hindi lamang yan. Siyempre mas ganado sila ngayon na dito ginagawa ang SEA Games at ngayon lang sila makikita ng ating mga kababayan na lumaban.”
Kasama rin sa men’s boxing team sina light-flyweight Carlo Paalam, flyweight Rogen Ladon, bantamweight Ian Clark Bautista, light-featherweight James Palicte, lightweight Charly Suarez, welterweight Marjon Pianar at light- heavyweight John Noble Marvin.
Professional boxer na si Suarez ngunit dahil sa apat na beses pa lamang siyang lumaban, binigyan siya ng special dispensation ng AIBA para makapag-compete sa biennial meet.
Sa women’s side ay kabilang naman sina flyweight Irish Magno, bantamweight Aira Villegas, at lightweight Riza Pasuit.
Sina Marcial at Marvin ang tanging Filipino gold medalists sa nakaraang 29th SEA Games sa Kuala Lumpur.
378