STUTTGART – Tatangkain ni Carlos Edriel Yulo na masikwat ang ginto sa floor exercise sa pagsisimula ng apparatus finals sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships, sa Sabado (Manila time) sa Hans Martin Schleyer Halle ditto.
Noong nakaraang linggo, nahablot 4’11” gymnast ang tiket sa 2020 Tokyo Olympics, matapos pumasok sa finals ng all-around performances.
Itatampok sa finals ang top 24 gymnasts sa men’s at women’s division, isa na rito ang batikang si Simone Biles ng Estados Unidos.
“Gusto ko po talaga maka-gold ngayon. Para sa aking pamilya at kay coach Mune (Munehiro Kugimiya),” wika ng soft-spoken athlete makaraang mag-qualify sa Olympic Games 2020 nang tumapos na seventh overall sa apparatus na may score 14.633 points, mas mataas pa sa score niyang 14.600 nang makamit ang bronze medal sa parehong torneo na ginanap sa Doha, Qatar noong nakaraang taon.
Si Kugimiya ay anim na taon nang nagti-training kay Yulo.
Una nang nagpakitang-gilas si Yulo sa kanyang paboritong event, nang manalo ng ginto sa opening leg ng FIG Individual Apparatus World Cup noong Enero sa Melbourne, Australia.
Ayon kay Yulo, itinaas ni Kugimiya ang tinatawag na ‘difficulty rating’ ng kanyang routine sa 6.5 (mula sa 6.2), pinakamataas sa walong floor exercise finalists, na siya ring rating ni Russian defending floor exercise champion Arthur Dalaloyan, na tumapos na panlima sa qualifiers.
162