IPINAGBABAWAL ang nakatayong pasahero sa jeepney at bus sa ilalim ng Alert Level 1 dahil pinapayagan lamang ang mga ito na gamitin ang kanilang full seating capacity.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge at general manager Romando Artes na pag-uusapan nila ang bagay na ito kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Hindi papayagan ‘yung tayuan dahil ang nakalagay po sa guidelines ng IATF ay full seating capacity, meaning yung kapasidad lang po ng sasakyan kung saan ang pasahero ay nakaupo. Yun lamang po yung papayagan except po sa MRT…sa capacity yung nakatayo kasi kung makikita niyo ang MRT naman po, LRT, designed po na kaunti lang ang nakaupo at mas maraming nakatayo.
Except po doon, sa mga buses at jeepneys po, full seating capacity lang,” ani Artes.
Simula Marso 1 hanggang Marso 15, ang National Capital Region at 37 iba pang lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng Alert Level 1, itinuturing na pinakamababang COVID-19 risk classification.
Hinggil naman sa pagbabalik ng provincial buses sa EDSA, sinabi ni Artes na pag-uusapan pa ito ng MMDA at LTFRB.
Malaking hamon aniya na maibalik ang provincial buses sa EDSA dahil na rin sa nabawasang espasyo sa mga pangunahing lansangan bunsod ng exclusive lane na itinalaga para sa bus carousel and bikes. (CHRISTIAN DALE)
