STATE OF CALAMITY IDINEKLARA SA TANZA, CAVITE DAHIL SA DENGUE

NANAWAGAN ang ama ng bayan ng Tanza sa lalawigan ng Cavite na makiisa sa pagsugpo sa pagkalat ng dengue matapos na magdeklara ng state of calamity kasunod ng dengue outbreak sa lugar.

“Ang kailangan ay nagtulong-tulong tayo. Kailangan po na ang prevention ay dapat magsimula sa bawat household, sa bawat bahay,” ayon kay Mayor Yuri Pacumio sa pagdedeklara ng state of calamity dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue.

Ginawa ito ni Pacumio kasabay ng paglulunsad ng “Oplan Katok , Lamok Tepok” Campaign ng Department of Health (DOH)-CALABARZON na layuning magbigay ng kaalaman sa bawat mamamayan kaugnay sa dapat gawing aksyon sa paglaban sa sakit na dengue.

Kasama sa paglulunsad si DOH-CALABARZON Regional Director Ariel Valencia.

Namahagi ang DOH-CALABARZON ng anti-dengue supplies kabilang ang insecticides treated bednets at bottles para sa misting at mga olyset screens at bednet para sa mga eskwelahan.

Matatandaan, umabot na sa outbreak level ang mga kaso ng dengue sa bayan na ito matapos na lumagpas sa epidemic curve.

Sa datos, kumpara noong nakaraang taon, mas marami ang naitalang kaso ng dengue ngayon taon.

Noong 2020 ay 125 ang kaso ng dengue; habang noong 2021 ay 109 at nitong 2022 ay 205 hanggang nitong Agosto at posibleng dumami pa kung hindi ito maagapan.

Sinabi ni Dr. Ruth Punzalan, Municipal Health Officer ng Tanza, ang pinakamabisang pagkontrol ay ‘search and destroy’, maghanap at sirain ang bahayan ng mga lamok dahil kung hindi mawawala ang breeding places ng mga lamok ay hindi ito mawawala.

Hinikayat din ni Punzalan ang publiko na magtulong-tulong subalit kailangan ang pagkakaisa ng bawat isa, pamilya at komunidad at hindi lamang mga opisyales ng pamahalaan ang dapat na kumilos laban sa nasabing sakit. (SIGFRED ADSUARA)

234

Related posts

Leave a Comment