STATE OF NATIONAL ENERGY EMERGENCY

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA wakas, nagdeklara na ng state of national energy emergency si Pangulong Bongbong Marcos Jr. Masaya na kaya ang mga atat d’yan?

Ayon sa Executive Order No. 110, ito ay para protektahan ang bansa sa banta sa supply ng langis dulot ng umiigting na sigalot sa Gitnang Silangan.

Inilunsad din ng gobyerno ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na naglalayong suportahan ang mga apektadong sektor ng transportasyon, agrikultura, at mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Ang komite rin ang sisiguro sa suplay ng langis, pagkain at iba pang essential goods at tulong sa mga Pilipino.

Layunin nito na hindi lang maiwasan ang krisis kundi mapanatiling pumapalo ang ekonomiya.

Ang pagtitipid sa kuryente, pagkontrol sa supply at mahigpit na pagsubaybay ay marapat lamang na ipatupad dahil sa napipintong panganib ng kakulangan ng enerhiya.

Nagising kaya ang Pangulo sa hirit ng mga kumalampag ng state of emergency o dahil dumating na ang tamang panahon?

Marami kasi ang nangungulit na ideklara na ng pamahalaan ang krisis. Nariyan ang mga militanteng kongresista, at syempre may mga senador din. Pero, bakit nga ba hindi agad nagdeklara ang Palasyo?

Tingin ko, tama iyong pananaw ng business group na nagdahan-dahan ang pamahalaan upang maiwasan ang pagpa-panic. Hindi nga naman tama na mauna pang mag-panic ang gobyerno dahil mas malaking problema idudulot nito sa kaayusan ng bayan.

Kailangan ipakita ng pamahalaan na kontrolado nito ang sitwasyon at payapain ang mamamayan. Ngayon heto na, kasabay ng deklarasyon ang pagbuo ng crisis committee at paglalatag ng mga programa para matugunan ang problema sa langis.

Medyo pangmatagalang solusyon na ito, hindi katulad ng ayuda na sa isang kisap-mata ay ubos na.

Pero, kung nais talaga natin na makaiwas sa krisis ng produktong petrolyo sa tuwing magbabardagulan sa Gitnang Silangan ay kailangang pag-ibayuhin natin ang paglipat sa renewable energy at limitahan kundi man kumawala na sa paggamit ng langis.

Masakit na ang tama sa mga Pilipino ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo bagaman may supply pa sa ngayon.

Kaso, mukhang malabo pang matapos ang giyera ng Amerika at Iran. Pareho kasi silang hindi tatanggap ng pagkatalo.

Heto nga, nagbanta ang White House na kapag nagmatigas ang Iran at hindi tinanggap na sila ay natalo ay paiigtingin pa ni US President Donald Trump ang pag-atake.

Ang Middle Eastern countries naman na United Arab Emirates, Bahrain, Saudi Arabia, Qatar at Jordan ay nagsama-sama na rin at kinondena ang pag-atake ng Iran sa kanila.

Paglabag anila sa soberanya ang ginagawa ng Iran dahil hindi lang mga asset ng US ang tinamaan ng airstrikes kundi maging mga imprastraktura ng kanilang mga bansa.

Habang nagpapataasan sila ng ihi, ang mga bansang maliliit tulad natin ay NGANGA.

Huwag naman sanang umabot pa tayo sa panahon na irarasyon na ang langis.

97

Related posts

Leave a Comment