AGAD namahagi ng ayuda ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa unang araw ng pagpapatupad ng ECQ nitong Lunes.
Sinimulan ng City government ang pamimigay ng food packs sa bawat pamilyang residente ng siyudad nang mag-bahay-bahay ang mga miyembro ng Barangay Affairs Office at Mayor’s Action Team sa may 28 barangay.
Sa kabila ng patuloy na pagbukas ng mga tindahan ng pagkain pati ng mga grocery, restaurant para sa take-out at delivery services, siniguro ni Mayor Lino Cayetano na may darating na stay-at-home family food packs sa mga pamilyang Taguigeño upang hindi na sila lumabas pa ng bahay at ma-expose sa banta ng COVID-19.
“Ngayong buong linggo ay kailangan nating maging ligtas. Dito po muna tayo sa piling ng mga mahal natin sa buhay, sa ating mga household, sa mga pamilya natin,” wika ni Mayor Cayetano sa mga Taguigeño isang araw bago ang pagpapatupad ng ECQ.
Siniguro rin ng alkalde sa mga residente na ang lokal na pamahalaan ay patuloy na magbibigay kalinga sa mga tao.
Ang Taguig City stay-at-home food packs ay kumpletong magbibigay ng supply ng tatlo hanggang limang araw para sa pamilyang may limang miyembro.
Naglalaman ang food packs ng bigas, mga delata, kape, energy drink at hygiene/anti-COVID kit na may kasamang face masks, face shields, alcohol at sabon para masiguro na protektado ang mga tatanggap nito laban sa COVID-19 virus.
“Itong one week na ito ay makakatulong sa atin para lalong mapababa ang ating mga kaso sa lungsod. Ang Taguig ay patuloy na may lowest number ng active cases sa buong Metro Manila. At naniniwala ako, pag tayo’y nagtulungan, kaya rin natin babaan pa lalo,” saad pa ni Mayor Lino.
Ito aniya ay importanteng bahagi rin ng #RoadToZero campaign ng Taguig LGU. (JESSE KABEL)
