STL SA TAGUIG, PATEROS BINO-BOOKIES NG TAGA-STATION 6

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

SA kabila ng babala ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), patuloy na nakatatanggap ng mga reklamo ang SAKSI NGAYON kaugnay sa ilegal na sugal na Small Town Lottery (STL) na bino-bookies umano ng isang taga Station 6 sa Taguig City.

Sa sumbong sa pahayagang ito, sina alyas Rodel Delos Reyes, Reggie Jocobo at ang tao mula sa Station 6 ng Taguig ang nagbu-bookies at dinadala umano ang malaking kubransa sa Pateros.

Nababahala na umano ang authorized agents corporations (AAC) ng Small Town Lottery (STL) tulad ng Bet and Win Gaming Corporation at Trojan Marketing Inc. sa Taguig at Pateros dahil hindi na tumataas ang kanilang kubransa. Kapag nagkataon, malulugi ang STL nila at kakapusin sila ng pambayad sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa kanilang General Monthly Retail Receipt (GMRR).

Halos ilang buwan na umanong nag-ooperate ang STL na bino-bookies sa nabanggit na mga lugar kung kaya’t hindi na maabot ng mga nasabing STL authorized agents ang kanilang ingreso kada araw sa PCSO. Malinaw na jueteng ang palaro na pinatatakbo nina alyas Rodel, Reggie at ang sinasabing taga-Station 6 na hindi pa pinangalanan.

Sa kaugnay na balita, nanawagan si PCSO Gen. Manager Mel Robles sa liderato ng kapulisan na agarang aksyunan ang sumbong ng authorized agent corporations ng STL laban sa ilegal na operasyon ng STL bookies sa nabanggit na mga lugar.

Binanggit ng PCSO official ang maraming sulat-reklamo mula sa kanilang mga AAC na lantarang kino-kompetensya ng mga ilegalista ang lehitimong palaro ng STL na siyang dahilan sa pagbaba ng benta ng loteryang lokal na puwede ring makaapekto sa remittance ng mga ito sa gobyerno.

Ipinagtataka naman ng mga nagrereklamo ang tila pagkikibit-balikat nina Taguig Chief of Police PCol Robert R. Baesa, Pateros Chief of Police PCol Wilson M. Alicuman at Southern Police District (SPD) Director Police Brigadier General Kirby John B. Kraft sa pamamayagpag ng ilegal na STL sa kanilang nasasakupan.

Kaya panawagan nila kay DILG Secretary Benhur Abalos, aksyunan at imbestigahan ang STL na bino-bookies sa lungsod nina Taguig Mayor Lani Cayetano at Pateros Mayor Miguel Ponce.

445

Related posts

Leave a Comment