CAVITE – Patuloy na pinaghahanap ang isang 26-anyos na store crew ng isang convenience store, na hinihinalang nalunod nang maligo kasama ang ilang kaibigan sa isang talon sa bayan ng Maragondon sa lalawigan noong Sabado ng hapon.
Nakipag-ugnayan na ang Maragondon Municipal Police Station sa Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang nawawalang biktimang si Annbert Dimaapi y Cortez, 26, binata, residente ng Brgy. Mabato, Maragondon, Cavite.
Nabatid sa ulat, bandang alas-3:50 ng hapon, nagtungo ang biktima at ilang kaibigan sa Ragatan falls, sa Brgy. Mabato, Maragondon, Cavite upang maligo.
Agad umanong lumusong ang biktima sa nasabing talon subalit makalipas ang ilang minuto ay hindi pa ito lumulutang dahilan upang mag-alala ang kanyang mga kaibigan.
Tinangkang lumusong din ang mga kaibigan upang hanapin ang biktima ngunit napunang malalim at malabo ang tubig kaya’t nagsipag-ahon ang mga ito at humingi ng tulong sa pulisya na humingi rin ng assistance sa PCG para sa search and rescue operation.
(SIGRED ADSUARA)
