ANG popular na taunang “Niyogyugan Festival” sa lalawigan ng Quezon ay nagdagdag ng isa pang layunin — ang makatulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga lokal na magniniyog sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng edukasyong kolehiyo para sa kanilang mga anak.
“We can start with 10 [scholars] kasi ang fund namin is from previous income kokonti pa siya pero na-propose na sa akin kung ano na ‘yung mga activities na so that we can raise more funds to help the foundation, college po ito ‘yung mga papaaralin nating mga bata,” ito ang pahayag ni Gobernadora Angelina Tan sa isang post sa kanyang Facebook page noong Martes, Agosto 12, ang unang araw ng linggong pagdiriwang.
Nangako si Tan na ang Niyogyugan Foundation, na binuo noong nakaraang taon, ay patuloy na maghahanap ng pondo kasama ng mga pribadong katuwang upang mas marami pang pamilya ng mga magniniyog ang makinabang sa mga programa at proyektong mag-aangat ng kanilang kabuhayan.
Ipinahayag ni Tan na taun-taon, limang porsyento ng kabuuang kita mula sa bawat agri-tourism booth ng mga kalahok na lokal na pamahalaan ay ibibigay sa foundation upang pondohan ang mga proyektong nakalaan para sa pag-unlad ng sektor ng pagniniyog sa probinsya.
Si Tan ay nagsimulang manungkulang gobernadora noong 2022 pagkatapos nang siyam na taon niya sa Kongreso bilang kinatawan ng ika-apat na distrito.
Isang magniniyog mula sa bayan ng Sariaya ang nagpahayag ng papuri sa plano ng gobernador para sa pag-aaral sa kolehiyo ng kanilang mga anak.
“Isang matagal nang pangarap para sa aming mga anak na makatapos ng kolehiyo. Ipagdarasal ko na isa sa aking mga anak, na pinakamatalino sa lima, ay mapili,” ang pahayag ni Mang Andres sa SAKSI Ngayon.
Ibinahagi niya ang pagkadismaya ng mga magniniyog sa mga walang saysay na pangako ng pamahalaang nasyonal kaugnay ng multi-bilyong pisong coconut levy fund.
“Yung pondo mula sa coco levy ay mga malalaking magniniyog lang ang nakikinabang kasi alam nila kung paano kaliwa’t kanan ng batas. Pero kaming maliliit na magsasaka, wala kaming halaga,” aniya na may kasamang galit at lungkot.
Pinaniniwalaang ang mga magniniyog mula sa Quezon ang pinakamalaking kontribyutor sa coconut levy fund na nakolekta noong panahon ng batas militar sa ilalim ng yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang coconut levy fund, na ngayon ay hawak na ng pamahalaan, ay tinatayang nasa humigit-kumulang ₱100 bilyon, kung saan hindi bababa sa ₱75 bilyon ay nasa anyo ng cash at ang natitira ay mga ari-arian tulad ng mga planta ng niyog.
Noong Pebrero 26, 2021, nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11524, o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, na lumikha ng trust fund para sa humigit-kumulang 3.5 milyong magniniyog na may pagmamay-aring hindi hihigit sa limang ektarya ng lupa at kabilang sa pinakamahihirap na sektor sa bansa.
Nangako si Tan na tutulong siyang pabilisin ang pagpapalabas ng mga pondo para sa mga proyektong nakalaan para sa mga magniniyog, alinsunod sa RA 11524.
“Tagayan”
Binuksan ang pagdiriwang noong Martes ng umaga at dito ay tinanggap ni Tan ang mga panauhin sa pamamagitan ng “tagayan” (seremonya ng pagbubukas ng okasyon na may inuman) ng isang lagok ng “lambanog” (alak mula sa niyog) sa harap ng isang booth na may disenyo ng niyog sa isang kalye sa kapitolyo ng lalawigan na nasa Lucena City.
Unang idinaos noong 2012, layunin ng Niyogyugan Festival na itampok ang niyog, na kilala bilang “puno ng buhay.” Ang “Niyogyugan” ay mula sa salitang “niyog” at “yugyog” (umindayog o sumayaw).
Hindi ito naidaos noong 2014 dahil sa pananalasa ng Bagyong Glenda (Rammasun) at noong 2020 at 2021 dahil sa pandemya ng COVID-19.
Noong 2022, hindi rin isinagawa ni Tan ang festival dahil sa kakulangan ng pondo at oras para sa paghahanda.
Ang taunang selebrasyon ay pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga magniniyog sa Quezon na, sa kabila ng iba’t ibang pagsubok, ay patuloy na nagpapakita ng sipag, tiyaga, at determinasyon.
Sa panahon ng pagdiriwang na nagsimula noong Agosto 12 at tatagal hanggang 19, napuno ang harapan ng gusali ng kapitolyo na nakaharap sa Perez Park ng hanay ng mga booth na may disenyong niyog na tampok ang lokal na kultura, tradisyon, produkto at mga destinasyon mula sa 38 bayan at dalawang lungsod bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Quezon Day.
Kasama rito ang paggunita sa kaarawan ng dating pangulong Manuel L. Quezon tuwing Agosto 19.
Tanging ang bayan ng San Narciso at Sariaya ang walang exhibit booth ngayong taon.
Sa huling araw, inaasahan ang mga manonood na pumila sa mga kalsada ng Lucena City para masaksihan ang patimpalak ng mga karosa na lalahukan ng 21 grupo.
Ang dating street dancing ay ginawa ngayong “sayaw sa niyog – dance showdown” na gaganapin sa Alcala sports complex sa Quezon National High School sa siyudad na ito.
Sa buong isang linggo ay nakahanay ang iba’t ibang aktibidades para sa kasiyahan at kapakinabangan ng publiko – “coco summit,” “labanan ng habhaban ng pansit Lucban,” “gabi ng kulturang Quezonian,” “komemorasyon ng kalayaan ng lalawigan ng Quezon,” “cocolympics,” “lambanog mixology contest,” “medical missions,” “teachers convention,” “balse ng tagayan dance contest at marami pang iba.
Kabilang sa mga unang bumisita noong Martes ay mga turista mula pa sa Metro Manila, na tumikim ng mga lokal na pagkain tulad ng “pancit habhab” mula Lucban.
Makikita rin sa mga booth ang iba’t ibang produkto gaya ng “”suman” mula Infanta, at “longganisa” mula Lucban.
“Ang payo ko sa mga bisita: Magdala ng maraming pera. Napakaraming masasarap na pagkain at kakaibang produktong maaring bilhin,” narinig na sabi ng isang babaeng turista sa kausap sa telepono.
Isa namang titser mula sa Lucena City ang nag-post sa kanyang Facebook nang pagkamangha sa Niyogyugan Festival.
“From the mountains to my mouth, I roamed the whole Quezon province during Niyogyugan Festival — and my eco bag can testify! Who needs a road trip when the whole province walks right up to your doorstep?
Come early if you’re planning to buy more and enjoy the Quezon’s best,” ang nakalagay sa kanyang post.
Patok sa mga turista ang ipinagbibiling “Niyogyugan tote bag” (P200) at “Niyogyugan tshirt (P450).
Ang isang turista ay bumili ng 10 t-shirts at 10 tote bags. “Magandang pasalubong. Pero ang importante ay nakatulong ako sa mga magniniyog,” aniya sa kanyang kasama.
(SONNY T. MALLARI)
