SUGALAN NI ALYAS “LITO”, NASA TABI NG SIMBAHAN NG ANTIPOLO CITY?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

May nagsumbong sa PUNA na talamak ang sugalan riyan sa Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.

Batay sa sumbong, isang nagngangalang Lito ang nagmamay-ari ng sugalan na malapit sa simbahan ng Antipolo City.

Hindi na nirespeto ng taong ito ang simbahan o tahanan ng Diyos, itinabi pa nito ang kanyang ilegal na pasugalan.

Malakas daw si Lito sa mga barangay official at mga miyembro ng pulisya sa lugar kaya malayang nakapag-ooperate ang kanyang pasugalan.

Magkano kaya ang inilalatag ni Tolits sa mga awtoridad na nagiging dahilan para magmistulang mga bulag, pipi’t bingi ang mga awtoridad sa lugar?

Mukhang naghahabol si Tolits sa kita dahil matagal ata siyang nabangkati o nawalan ng kita nitong nagdaan mga taon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Kaya naman ngayon ay walang paki si Tolits, kahit na mga bata ang kanyang mga parukyano ay sige lang basta pera ang pinag-uusapan.

Sa mga ilegalista, wala silang pakialam kahit na sino ang pumunta sa kanila basta tataya ito sa kanilang pasugalan, tanggap lahat ‘yan.

Kung baga, walang diskriminasyon kay Tolits, bata, at kahit senior ka pa basta may pantaya kang pera, welcome kayo sa pasugalan niya.

Sinasabing malakas si Tolits sa mga awtoridad sa Antipolo City, sino kaya itong ipinagmamalaki niya?

Kung si PLt. Col. Ryan Lopez Manongdo, chief of Police ng Antipolo City, ang kanyang ipinagmamalaki, hindi nga siya matitinag riyan sa kinalalagyan niyang teritoryo, pero kung hindi si Col/sir Manongdo, palagay ko ‘pag nabasa niya ang panulat kong ito, ay sibak ang pasugalan ni Tolits.

Kung mga sarhento lang naman ng Antipolo City PNP ang may patong sa pasugalan ni Tolits, sibak din ‘yan dahil maaaring ‘di alam ‘yan ni Col. Manongdo.

Kahit na sa mga barangay official sa lugar malakas si Tolits ay ipasisibak din ‘yan ni Col. Manongdo dahil nakasisira ‘yan sa kanyang imahe bilang chief of police ng Antipolo City.

Hindi rin tayo naniniwala na si Antipolo City Mayor Casimiro “Junjun” Ynares III ay may alam sa pasugalan na ‘yan ni Tolits.

Siyempre, hindi papayag si Mayor Junjun na ang simbahan ng Antipolo City ay tatabihan ng ilegal na pasugalan, paglapastangan ‘yan sa tahanan ng Panginoon.

Wala ring opisyal ng gobyerno na magnanais na matulad ang kanilang lugar sa Los Angeles, California, USA na nilamon ng apoy ang maraming kabahayan at gusali.

Mahirap biruin ang Panginoon dahil ‘pag siya ang nagalit sa atin, pag hindi tubig-baha ay dagat-dagatang apoy ang lalamon sa atin.

Kaya ikaw Tolits, at iba pang ilegalista, magbagong buhay na kayo, hangga’t hindi pa kayo nasasampolan ng dagat-dagatang apoy.

Hindi lingid sa inyong kaalaman ang nangyari sa California na matapos na lait-laitin sa Golden Globe Awards ang Panginoon, ay sumunod sa kanila ang trahedya.

Agad ipinaramdam sa mga residente ang kapangyarihan ng Panginoon na nagpapatunay na hindi siya pumapayag na lapastanganin siya ng mga tao.

Respeto at pagmamahal ang dapat umiral, hindi lang ang pansariling kapakinabangan ang ating iniisip.

Sinikap natin kunin ang panig nina Col. Manongdo at Mayor Ynares sa isyung ito, subalit hindi natin sila makontak.

oOo

Para sa reaksyon at sumbong, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

53

Related posts

Leave a Comment