SUGALAN SA MINDORO KINUKUNSINTI NG PNP?

SA kabila ng “no take policy” na giit ni Philippine National Police (PNP) chief General Rodolfo Azurin, patuloy ang pamamayagpag ng ilegal na pasugalan sa mga bayan ng Oriental Mindoro.

Ang dahilan – kinukunsinti di umano ng lokal na pulisya ang operasyon ng sindikato sa likod ng malawakang ilegal na sugalang pinaniniwalaang tumatabo ng milyon-milyong piso kada araw.

Panawagan ng mga residente mula sa nasabing lalawigan sa punong himpilan ng PNP at maging sa tanggapan ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos – palitan ang mga tinaguriang kunsintidor na opisyal ng lokal na pulisya.

Partikular na tinukoy ng mga residente ang malawakang jueteng operations sa mga lokalidad na saklaw ng Oriental Mindoro.

“Obyus ang proteksyon na ibinibigay ng kapulisan, mula probinsya hanggang rehiyon at maging ng NBI (National Bureau of Investigation), dahil lantaran ang pagpapataya ng bet collectors kahit may pandemya nang hindi man lamang hinuhuli,” litanya ng residenteng ayaw muna pabanggit ng pagkakakilanlan.

Katunayan anila, hayagang ipinangangalandakan ng mga jueteng operator ang pangalan ng mga tigasing PNP officials mula sa provincial command hanggang sa MIMAROPA Regional Police Office na may saklaw sa mga lalawigan ng Mindoro (Occidental at Oriental), Marinduque, Romblon at Palawan.

“Pinagmamalaki nung mga may pasugal na hindi sila madaling tibagin kasi nga kasangga daw nila ang mga nasa provincial headquarter saka sa regional command.”

“Ayaw ko sanang maniwala na protektado ng mga opisyal ang illegal gambling operators, pero nagtataka lang ako kung bakit hinahayaan lang nila ang mga sugalang ayon mismo sa President Decree 1602 ay mahigpit na ipinagbabawal,” dagdag pa niya.

Bilang patunay, inihayag din niya ang lumabas na numero sa tinayaang jueteng kahapon – 14-37 bola ng tanghali habang 9-12 naman pagsapit ng gabi.

Ayon pa sa naturang residente, isang taga-Pangasinan ang financer ng ilegal na pasugal na dalawang beses naglalabas ng resulta kada araw base sa bolahang idinaraos sa probinsya ng Quezon kung saan naman nakabase ang tagapangasiwang kinilala lang sa bansag na RF.

Nang tanungin kung sino ang RF na tinutukoy, ang tanging tugon lang ng residenteng nakapanayam – “PNP official din siya.”

Magugunitang naglabas ng babala sa huling bahagi ng nakalipas na taon si Azurin sa lahat ng PNP regional at provincial directors hinggil sa patuloy na operasyon ng jueteng sa kani-kanilang nasasakupan –  “I am giving you a week. If you will not stop illegal gambling, I will relieve you.” (RONALD BULA)

(Editor’s Note: Bukas ang pahayagang SAKSI NGAYON sa panig at paglilinaw ng PNP hinggil sa usaping kalakip ng balita.)

724

Related posts

Leave a Comment