SA hudyat ng Commission on Elections (Comelec), umpisa na ang pangangampanya sa hanay ng mga kandidato sa posisyon ng presidente, bise-presidente, senador at mga kongresista.
Kanya-kanyang diskarte sa paggalugad ng mga lugar kung saan malaki ang populasyon ng mga rehistradong botante. Lahat ng sulok ay susuungin kesehodang mabaho at masikip. Pati kabundukang pinamamahayan ng mga katutubo ay aakyatin makamit lang ang botong panalangin.
‘Yan ang estilong trapo. Pero ‘di ‘yan uubra sa mga katutubo.
Ang totoo, matagal na nilang hiling sa mga dumadayong politiko ang magkaroon ng maski maliit na pagamutan sa kabundukan. Dangan naman kasi, sa layo nila sa kapatagan, mga katutubong malubha ang karamdaman ay hindi umaabot nang buhay pagdating sa pagamutan sa kapatagan.
Sa mahabang panahon, mistulang botante lang ang tingin ng mga politiko sa hanay ng mga katutubo. Naaalala lang ‘pag may halalan. Pag-upo sa pwesto, nakalimutan na ang pangako sa mga katutubong hiningan ng boto.
Gayunpaman, hindi naman lahat ng umaakyat sa mga kabundukan ay trapo, may ilang hindi man kandidato ay pabalik-balik sa kanilang pamayanan – hindi para mangako at humingi ng boto kundi para magbahagi ng tulong, magbigay kaalaman at kumalinga sa mga katutubo.
Ang siste, marami sa kanila pinagbibintangang komunista, kaya ang ending – dumalang na ang kumakalinga sa kanila.
Pero dahil simula na ang kampanya, dalaw sa kanilang pamayanan, bugso na naman. May mga magpapamahagi ng mga kamiseta at iba pang karaniwang giveaways na may dambuhalang mukha ng politiko. Ang pangakuan ay uso na rin ulit. Pagamutang asam, muling tutugunan.
Para sa mga katutubo, sapat nang sila’y pangakuan. Kalabisan na raw kasi kung asamin pa ang katuparan. Gayundin ang sukli nila sa politiko, pangakong boto sa araw ng halalan – ‘wag na din daw asahan.
264 