(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T nagsisimula pa lamang ang huling tatlong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, patay na agad ang super majority sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya binubuo ang “Duterte Coalition”.
Ganito ang pagbasa ng Makabayan bloc sa Kamara hinggil sa labanan ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte sa Speakership sa Mababang Kapulungan na naging dahilan kaya buuin ng kanyang mga anak na sina Davao Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang “Duterte Coalition”.
“Such emergence of a “Duterte Coalition” confirms that a House super majority is dead,” paglalarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil kung sigurado umano ang administrasyon na matatag ang kanilang puwersa sa Kamara ay hindi bubuo ang mga ito ng coalition.
“It only means watak watak sila because each and everyone wants power. Hindi na super majority yan in essence dahil may mga maiiwanan na vying for speakership,” dagdag pa ng lady solon.
Ayon sa mambabatas, kahit mabuo ang Duterte Coalition, hindi pa rin umano ito matatag dahil mayroong mga ‘disgruntled members” ng Kamara na maghihintay ng pagkakataon para makuha ang kanilang gusto.
Lalong hindi umanong matatag ang Duterte Coalition dahil mabibilang lang umano sa mga darili sa kamay ang mga miyembro ng Hugpong ng Pagbabago ng magkapatid na Duterte gayung 304 ang bilang ng mga kongresista.
Hanggang nitong Linggo, walang kongresista ang sumasagot kung sasama ang mga ito sa Duterte Coalition bagama’t nagpahayag ng suporta ang ilang speakership candidate tulad nina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco na kaisa ang mga ito sa layon ng magkapatid na Duterte na pag-isahin ang Kongreso.
Nitong Sabado ay pinulong ng magkapatid na Duterte sa Davao City sina Romualdez, Velasco at Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano subalit walang detalyeng inilabas kung ano ang napag-usapan at napagkasunduan sa nasabing pulong.
