MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang suporta ng national government para sa lahat ng local government units (LGUs) maging anoman ang political affiliation ng mga ito.
Sinabi ng Malakanyang na ang ‘public service’ ay dapat na mas angat sa partisanship.
“Walang kulay ng pulitika ang paglilingkod sa bayan,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ang dayalogo, idinaos sa Pasay City, ay dinaluhan ng mga lider ng LGUs mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ani Castro, binigyang diin sa pagtitipon ang commitment ng Pangulo sa ‘inclusive governance’ sa ilalim ng Bagong Pilipinas campaign ng administrasyon.
“Sa Pangulo, aksyon ang kailangan, hindi pamumulitika,” ang winika pa rin ni castro.
Aniya pa, tiniyak ni Pangulong Marcos sa LGU leaders ang patuloy na national assistance sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo gaya ng ‘healthcare, disaster response, education, at agriculture,’ binigyang diin ang pangangailangan para sa isang malakas na partnership sa pagitan ng national at local governments.
Idinagdag pa ni Castro na ang pagpupulong ay isang paalala na ang isang ‘shared responsibility’ at patriotism’ ay dapat na may gabay ng mga lider ng bansa.
“Hindi malilihis sa tamang landas ang bayan kapag ang pundasyong serbisyo ay pagtutulungan ng lahat at pagmamahal sa bayan,” ayon kay Pangulong Marcos.
Nito lamang weekend, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang whole-of-government approach ng gobyerno ay depende sa pagbibigay kapangyarihan sa mga LGU bilang frontliners sa public service at bilang ‘key implementers’ ng national priorities sa mga lalawigan at komunidad.
(CHRISTIAN DALE)
