TARGET ni KA REX CAYANONG
MALINAW na ang pagsusulong ni Rep. Iris Marie Montes ng House Bill No. 1387 o “eHealth System and Services Act” ay isa na namang patunay ng pagnanais ng Kongreso na dalhin ang serbisyong pangkalusugan ng bansa sa mas mataas na antas.
Sa panahon ngayon ng mabilis na pagbabago at digital na rebolusyon, ang paggamit ng teknolohiya ay hindi na luho kundi pangangailangan, lalo na sa sektor ng kalusugan na direktang nakakaapekto sa buhay ng bawat Pilipino.
Layunin ng panukalang ito na palakasin at pag-ibayuhin ang implementasyon ng Universal Health Care (UHC) sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang pambansang eHealth system.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng tuloy-tuloy na koneksyon ang lahat ng pampubliko at pribadong health facilities upang mapabilis ang palitan ng impormasyon at serbisyo sa pagitan ng mga ospital, health center, at mga ahensya ng pamahalaan.
Masasabi nga na isang hakbang itong magpapatibay sa ugnayan ng mga institusyong pangkalusugan at magpapasigla sa integrasyon ng data para sa mas mahusay na pangangalaga.
Sa tulong ng eHealth system, mas magiging madali para sa bawat Pilipino ang pag-access sa kanilang medical records at teleconsultation services, lalo na sa mga nasa malalayong lugar.
Hindi na kailangang maglakbay ng malayo upang makipagkonsulta sa doktor o humingi ng medikal na payo. Kaya sa halip, sa pamamagitan ng digital platforms, maipapaabot ang serbisyong pangkalusugan sa mismong tahanan ng mamamayan.
Isa sa mga mahahalagang aspeto ng panukala ay ang pagbibigay ng sapat na pagsasanay sa mga lokal na pamahalaan at health workers.
Aba’y sa ganitong paraan, hindi lamang teknolohiya ang ipatutupad kundi pati kapasidad ng tao ang palalakasin. Ang pagsasanay sa paggamit ng digital tools ay magpapatatag sa kakayahan ng ating mga frontliner sa pagharap sa modernong hamon ng pangkalusugan.
Ang panukalang eHealth system ay hindi lamang tungkol sa teknolohiya, kundi sa katarungang panlipunan.
Kung hindi ako nagkakamali, magiging dahilan upang unti-unting mabura ang agwat sa pagitan ng may kaya at mahirap pagdating sa access sa serbisyong medikal.
Magkakaroon lahat ng patas na pagkakataon na makatanggap ng de-kalidad na pangangalaga anuman ang estado sa buhay o lokasyon.
