NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa Food and Drugs Administration (FDA) na payagan muna ang paggamit ng iba’t ibang supplement na sinasabing kayang lumaban sa COVID-19 habang patuloy pang naghihintay ng bakuna.
Kasunod ito ng pagbibigay ng FDA ng Certificate of Product Registration sa Ivermectin.
“Nagpapasalamat naman tayo sa FDA kahit paano may compassionate use, sana ang registry na ‘yan mamunga sa emergency use na. Ang Ivermectin naman may human dose naman noon pa, kaya ako nagtataka bakit kelangan pa ng bagong pagrerehistro,” diin ni Marcos.
“Nagkakaubusan na ng vitamins, payagan na ang other drugs. In the meantime supplement payagan na rin for immunity booster man lang kasi ang tagal-tagal ng vaccine. Hindi naman sinasabi kasalanan ng Pilipinas, worldwide naman, habang naghihintay alangan namang nganga lahat ng tao. For me, hayaan na lang muna ng FDA kasi di naman natin kayang sagutin ang bakuna for this minute,” dagdag ng senadora.
Kinumpirma rin ng mambabatas na gumagamit siya ng Ivermectin bilang proteksyon.
“Oo, lahat kami nagte-take kasi feeling ko naman sabi ko nga walang bulate eh di okay naman, preventing naman, hindi naman nakakatakot,” dagdag pa ni Marcos.
Inihayag din ni Marcos na nakapagpabakuna na siya ng 1st dose ng Sinovac at naghihintay pa ng kanyang slot para sa 2nd dose. (DANG SAMSON-GARCIA)
