(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL maging ang mga supply materials ng mga guro sa pagtuturo tulad ng chalk ay tumataas na rin ang presyo, isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na itaas ang supply allowance ng mga ito.
Sa House Bill (HB) 2041 o “Act Institutionalizing the Grant of Teaching Supplies Allowance for Public School Teachers” na inIakda ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, nais nito na itaas sa P5,000 ang allowance ng mga guro bilang suporta sa kanila.
Sa kasalukuyan ay P1,500 lamang umano ang supply allowance ng mga public school teachers sa buong taon na hindi na umano sapat sa pagbili ng chalk, eraser, flash drive at iba pang teaching materials.
Ayon sa mambabatas, napakahalaga ng papel ng mga public school teacher sa tinatawag na “nation building” kaya kailangang ibigay umano sa mga ito ang lahat ng tulong na kailangan nila.
Gayunman, halos lahat umano sa mga public school teacher ay kailangang gumastos ng sariling pera para maging maayos lang ang kanilang pagtuturo dahil hindi na umano sapat ang nasabing halaga na pambili ng mga ito ng kanilang teaching materials.
“Quality education breaks the cycle of poverty and helps in achieving national development. We have passionate and dedicated teachers. They should not spend their own money to buy the necessary teaching materials for their students,” ani Vargas.
Sakaling maging batas, ito, P2,500 sa nasabing halaga ay isasama sa taunang budget ng Department of Education (DepEd) habang ang natitirang P2,500 ay kukunin naman sa savings ng ahensya.
Pinapabilisan din ng mambabatas sa House committee on basic education ang pag-aksyon sa panukalang batas na magtataas sa sahod ng mga public school teacher upang magkaroon ang mga ito ng disenteng pamumuhay.
Sa BH 1410 ni Vargas, ipinanukala nito nag awing P45,000 ang buwanang sahod ng mga public school teacher mula sa kasalukuyang P20,000 o mula Salary Grade 11 tungo sa SG 19.
“The welfare of our public school teachers is a top priority for me. Caring for them means caring for their students; caring for our nation’s young. I care for the future that will be shaped by the youth of today,” ani Vargas.
