BISTADOR Ni RUDY SIM
NARARAPAT lamang na ibasura ng Supreme Court ang inihaing petisyon o pagpapawalang bisa sa certificate of candidacy (COC) ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang hayaan itong matugunan ang kanyang tungkulin bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas at igalang ang boses ng sambayanang Pilipino.
Ang landslide victory ni PBBM sa nakaraang presidential elections ay nagresulta ng pagkakaisa ng higit 31 milyong Pilipino na siyang bumura sa kasaysayan sa mga botong nakuha ng nagdaang mga naging pangulo ng bansa. Isang matalinong desisyon at tunay na pagmamahal sa ating inang bayan ang muling pinatunayan ng ating mga kababayan kay PBBM na ilang dekada nang hinahamak at binabastos ang kanyang pamilya matapos ang 1986 EDSA revolution.
Malaking tulong ang social media sa sambayanan na hindi inabot ang panahon ni Marcos Sr. upang ang itinagong pahina ng ating kasaysayan at katotohanan na ipinagkait at pilit na itinago ng Aquino administration ay muling mabuklat at mabatid kung sino nga ba ang biktima at nanloko sa mamamayang Pilipino sa likod ng mga paratang sa dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. na bago pa man pumanaw sa Hawaii ay ang katayuan pa rin ng kanyang kapwa Pilipino ang inisip kahit ito’y nakaratay sa karamdaman.
Hindi dapat hayaan ng ating kataas-taasang hukuman na muling mayurakan ng isang maruming pulitika ang ating judicial system upang ang talunang kandidato ang kanilang paboran na tila umaasa pa sa milagro ng demonyo. Ang isang alagad ng simbahan pa mismo na si Fr. Christian Buenafe kasama ng ilang makakaliwang grupo ang nagsampa ng petisyon sa SC matapos na mabasura sa COMELEC ang kanilang kahilingan na mapawalang bisa ang COC ni PBBM.
Nakakakilabot kung ating susuriin na hanggang sa ngayon ay mayroong mga taong may kasuotang banal ang siya pa mismong nanggugulo sa naging desisyon ng nakararaming Pilipino na may iba’t ibang relihiyon. Hindi pa ba nagkukumpisal ang ilang mga alagad ng simbahan sa kanilang mga kasalanang ito sa pangalan ng Panginoon na ipinako sa krus dahil sa maling paniniwala at ideolohiya ng mga taong nasisilaw sa salapi at kapangyarihan?
Hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ng ilang pulitiko ang mga alagad ng simbahan dahil sa akala nila’y muling uubra sa sambayanan ang nangyari noong 1986 na malalason ang isipan ng ating mga kababayan sa pamamaraan na pagpapakalat ng maling impormasyon. Hindi ang mga pari at madre ang tunay na bayani sa 1986 revolution kundi ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na mas pinili na lamang na lisanin ang bansa upang walang masaktan sa anumang kaguluhan na binabalak noon ng komunistang grupo kung kaya’t nagkaroon ng mapayapang EDSA people power taliwas sa panahon ni Cory Aquino na maraming buhay ng maralitang Pilipino ang walang awang pinatay.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
191 