GUANZON MALABONG MAKAUPO BILANG KONGRESISTA

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ISA sa pinakamahigpit na kritiko ni incoming Pres. Bongbong Marcos Jr. noong kasagsagan ng kampanya ay si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon. Makikita pa rin sa mga post sa social media ang ginawa nitong panglilibak at pagmumura sa dating senador, na tinawag pa nitong magnanakaw at sinungaling!

Pero matapos na lumamang nang malaki si PBBM laban sa mga katunggali nito sa pagkapangulo ay nanahimik na ito. At muli lamang nakita ng madla sa isang pagtitipon na ipinatawag ng incoming House Speaker Martin Romualdez sa mga nanalong party-list group sa kamara.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa kanya, sinabi ni Guanzon na kinakailangan niyang makipagtulungan kina Romualdez at Marcos upang maipasa ang mga batas na kinakailangan ng PWDs (Persons With Disabilities) sa party-list na P3PWD na nakakuha ng isang pwesto sa nakaraang halalan. Ayon kay Guanzon, siya raw ang uupo bilang representative ng grupo.

Pero teka, malabo yatang mangyari ‘yun dahil ayon kay Acting Comelec Spokesperson Rex Laudiangco ay wala silang natanggap na hiling mula sa naturang party-list na may kinalaman sa pagpapalit ng mga nominado nito sa Kongreso.

Wala rin sa listahan ang pangalan ni Guanzon sa mga nominadong isinumite ng P3PWD (Pamilya, Pasyente at Persons with Disabilities).

Nauna nang ipinahayag ni Laudiangco na ang mga nominado ng party-list groups ay pinapayagan lamang magbitiw hanggang Nov.15 noong nakaraang taon at ang pagpapalit ng mga nominado ay maaari lamang kapag namatay o nabaldado ang mga ito.

Ayon pa sa pahayag ng Comelec spokesperson, “Hindi pwedeng kung sinu-sino na lang ang uupo”. At kung sakali man may bagong nominado ang isang party-list group na nanalo nitong halalan ay kinakailangan pa itong dumaan sa isang pagdinig sa ahensiya.

Matatandaang noong Mayo 12, ilang araw matapos ang halalan, sa post sa kanyang FB account ay buong ­pagmamalaking sinabi ni Guanzon na: “Back to work! From Commissioner to ­

Congresswoman” na mayroon pang kasamang emoji ng watawat ng Pilipinas.

Nakunan din ito nang kinamayan ang panganay na anak ng Pangulo na si Sandro Marcos na nagwagi rin bilang kongresista ng Ilocos Norte.

Si Guanzon ay ang nag-iisang tumutol sa petisyon ng Duterte Youth Party-list nominee na si Ronald Cardema na palitan ang kanyang asawa bilang representative ng grupo nang siya ay nakaupo pang Comelec Commissioner noong 2019.

Nag-viral naman sa social media ang panayam ni ABS-CBN news anchor Karen Davila kay Sen. Imee Marcos.

Sa opening remarks ng senadora, biniro nito ang mamamahayag sa pahayag na akala niya ay aalis na ng bansa ang ­journalist matapos na manalo ang kanyang kapatid sa halalan.

Ayon sa mga post ng mga netizen na nag-react sa video, may nasabi yata si Ms. Davila na kahalintulad ng banat sa kanya ni Sen. Marcos noong kampanya.

Dahil dito, muli ring napag-usapan ang reaksyon ng mga news anchor sa kabilang istasyon naman na hindi maipinta ang mga mukha matapos na lumamang nang malaki si PBBM sa mga kalaban nito noong bilangan.

191

Related posts

Leave a Comment