SUMUKO ngunit agad ding pinakawalan ang 23-anyos na suspek sa hazing matapos bawiin ang kanyang pag-amin sa payo ng abogado.
Ayon kay PLtCol Bismarck Mendoza, hepe ng Gen. Trias Component City Police Station, hindi maaaring gamitin laban sa suspek ang boluntaryong pagsuko at pag-amin kung walang extrajudicial confession.
Ang suspek na si “alyas John,” 4th year maritime student ng Philippine Nautical and Technological Colleges – Dasmariñas at miyembro umano ng Tau Gamma Phi, ay kusang sumuko kay Gen. Trias City Mayor Jonjon Ferrer bago itinurn-over sa pulisya.
Nabatid na si alyas John ang nagmaneho ng sasakyang ginamit sa pagdala sa biktima sa ospital.
Una umanong isinugod ang biktima sa Gen. Trias Medical Center sakay ng Mitsubishi Mirage na may plakang NAV 9489 at pinalabas na hit-and-run ang insidente.
Kalaunan, natagpuan ang silver sedan na ginamit at may ilang ID na naiwan sa loob.
Nilinaw ng pulisya na nahaharap pa rin ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018, kasama ang 15 iba pang hinihinalang sangkot sa pagkamatay ng biktima.
(SIGFRED ADSUARA)
47 