CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BINIGYAN ni Interior Secretary Jonvic Remulla ng hanggang ngayong Lunes si dating Ako-Bicol Party-list rep. Zaldy Co at 17 opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Sunwest Corp. para sumuko.
May ultimatum na kaya dapat kusang loob na silang sumuko. Pero, mapasuko kaya iyong nasa ibang bansa na?
Nagbabala kasi ang DILG na ituturing na nilang mga pugante ang 18 na dawit sa flood control scandal kapag hindi pa rin sumuko sa mga awtoridad.
Makatutulong ang mga arrest warrant sa paglitis ng mga akusado sa isyu ng iregularidad sa flood control projects.
Magagamit na rin daw na legal na basehan ang mga warrant para mapauwi at mapaharap sa korte ang mga akusado na nasa labas ng bansa.
Ayon nga sa NBI, hindi mababago ng pagtatago ang ebidensiya, mga kaso, o ang kapangyarihan ng batas.
Dapat nang sumuko ang mga akusado nang masimulan na ang proseso sa korte.
Iyan ang dapat.
Wala sa bansa si Co at dahil naglabas na ng arrest warrant laban sa kanya, makikipag-ugnayan ang gobyerno sa Interpol para mas mapadali ang pag-aresto sa kanya at magkakaroon na rin ng basehan sa korte para kanselahin ang kanyang pasaporte.
Kaya pala mahalaga na ihain ang arrest warrant sa huling napag-alamang address ng akusado kahit alam ng mga awtoridad na wala ang taong sisilbihan nila.
Matatandaang isinampa ng Ombudsman ang mga kasong katiwalian at malversation of public funds sa Sandiganbayan laban kay Co at 17 pa kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Teka, inutos ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pag-aresto sa 18. Wala raw espesyal na pagtrato at walang sinasanto.
Siya raw ang nagsimula at siya ang magtatapos.
Madalas nang marinig ang linyahan na ‘yan. Baka palabas o pampalubag-loob lang para pawiin ang galit ng publiko dulot ng malawakang korupsiyon.
Yung ‘mahiya naman’ kayo na nagpasimula ng kanyang kampanya laban sa katiwalian ay nadagdagan o napalitan ng iba nang linya.
Pero, masusubukan kung ang walang kamakamag-anak at walang kaalyado na kanyang pramis ay hindi mapapanis.
Siya rin ang nagpahayag na mga kasong plunder, graft at bribery ang maaaring isampa laban sa pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez at Zaldy Co dahil sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Inirekomenda kasi ng DPWH at Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng mga kasong plunder, graft at bribery laban kina Romualdez at Co.
Si Co ang chairman ng House Committee on Appropriations sa ilalim ng liderato ni Romualdez sa Kamara.
Tiwala naman daw si Romualdez, na malilinis ang kanyang pangalan sa mga alegasyon, haharapin ang imbestigasyon at mananatili sa bansa.
Dito masusukat ang walang kamag-anak, walang kaalyado, walang sinasanto at walang espesyal na trato na ibinabando ng Pangulo.
Tingnan natin ang tibay at tatag ng loob niya para tapusin ang kanyang pangako.
o0o
Palapit nang palapit ang araw ng Pasko.
Isama na raw natin sa mga hindi magkakaroon ng ‘Merry Christmas’ iyong mga isinasangkot sa flood control projects.
Sa ngayon, habang pinaplano at pinaghahandaan natin ang ihahain sa Pasko ay amuyin muna natin ang putahe ng drama ng mga Marcos.
Ayan, naging sangkap sa kontrobersiya ng flood control ang serye ng drama ng magkapatid na Bonget at Imee.
Pero kung pagbabatayan natin ang mga reaksyon sa social media – wala, olats si Manang. Marami ang nangilo sa kanyang mga litanya, hindi pa rin tanggap ng mga Pinoy ang pagsisiraan ng pamilya sa publiko.
Kung makababawi pa ba si Imee o tuluyan nang mababaon ay malalaman natin sa mga darating na panahon.
Pero kung ngayon ang basehan, hindi siya umani ng ganda points sa kanyang mga litanya.
30
