OFW JUAN ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG Filipina household service worker na si Daisy Gabriel, ang humihingi ngayon ng agarang saklolo matapos siyang makaranas ng matinding pag-abuso, paglabag sa kontrata, at pagpapabaya ng kanyang employer sa Al Shifa, Riyadh City.
Si Daisy, na na-deploy ng International Progress Inc. sa ilalim ng foreign principal na Dar Akeem, ay nakararanas umano ng hindi makataong sitwasyon sa trabaho, ayon sa salaysay na ibinahagi ng kanyang pamilya.
Ayon sa pahayag ni OFW Daisy, tinatrato siya nang masama at madalas murahin ng kanyang employer. Mag-isa niyang inaasikaso ang tatlong-palapag na bahay at nagtatrabaho ng hanggang alas-tres ng madaling-araw, bago siya payagan na kumain.
Sumbong pa ni OFW Daisy, lumalabas din na labag sa kontrata ang kanyang aktwal na sitwasyon. Dapat ay ang mag-asawa lamang ang kanyang amo ngunit pagdating niya sa Riyadh, nadiskubre niyang may tatlong anak at dalawang apo ang pamilya. Ang 3-taong gulang na apo ay madalas umanong manakit sa kanya, dahilan upang hindi niya magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin.
Bagama’t malinaw sa kontrata na mayroon siyang isang rest day kada linggo, sinabi ni Daisy na hindi siya pinagpapahinga kahit minsan.
Idinagdag pa ni OFW Daisy na sa loob ng apat na araw na siya ay hindi makalakad matapos siyang mabuwal at hindi maigalaw ang kaliwang binti hanggang balakang, ay hindi siya pinakain, hindi binigyan ng tubig, at hindi man lang ipinadala sa clinic ng kanyang employer para ipa-check up.
Ayon pa sa kanya, napilitan siyang gumapang papuntang CR para lamang makainom ng tubig.
Kinumpiska aniya ng employer ang kanyang passport at iba pang dokumento, isang malinaw na paglabag sa batas ng Saudi Arabia na nagbabawal sa ganitong gawain.
Dagdag pa rito, sinabi ni OFW Daisy na namamaga at nagsusugat na ang kanyang mga kamay dahil sa paghuhugas gamit ang puro clorox, at kahit ipinaalam niya ito sa kanyang amo ay hindi siya binigyan ng gamot.
Sa kasalukuyan, nakararanas si Daisy ng panghihina, paninikip ng dibdib, at hirap sa paghinga.
Lubhang nag-aalala ang kanyang mga kapatid na sina Marilyn Villamar Mejia mula sa Cardinal, Guimba, Nueva Ecija, at Daniel Sawit Villamar, na kapwa umaapela sa mga kinauukulan na agad aksyunan ang sitwasyon ni Daisy at tiyaking siya ay mailigtas at mapauwi sa Pilipinas.
Ang sumbong na ito ay ating ipinaabot kina Atty. She Malonzo ng OWWA at Director Charles Tabbu ng Department of Migrant Workers.
49
