SWAB TEST BAGO KULONG SA NAVOTAS CITY JAIL

NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang isang Executive Order na nag-uutos na suriin muna ang mga Person Deprived of Liberty (PDL) para sa COVID-19 bago sila ikulong sa Navotas City Jail (NCJ).

Sinabi ni NCJ Warden Chief Insp. Atty. Ricky Heart Pegalan na inisyu ni Tiangco ang order bunsod ng kahilingan ng bagong BJMP National Capital Region (NCR) Director Chief Supt. Luisito Munoz bilang bahagi ng mga pamamaraan sa pag-iwas at pamamahala sa COVID-19.

Dagdag pa ni Atty. Pegalan, bukod sa mandatory swab testing sa mga PDL na iniutos ng korte na ikulong sa NCJ, ang mga preso na malapit nang palayain matapos makapagpiyansa o kaya ay pinawalang-sala ng korte ay maaaring magpa-swab test kung may mga sintomas ng COVID-19.

“Yung prior release, options lang just in case may sintomas ang PDL, turnover namin siya sa Navotas City Health Department pero yung test prior to commitment, mandatory talaga at libre naman ang test na isasagawa ng mga local health officer ng Navotas,” sabi ni Pegalan.

Ikinalulugod ding  ibalita ni Pegalan na ang NCJ ay nananatiling walang COVID-19 cases mula nang kumalat ang virus noong Marso. (ALAIN AJERO)

128

Related posts

Leave a Comment