TAAL EVACUEES ISASALANG SA SWAB TEST

PINANGANGAMBAHANG maging superspreader ng coronavirus ang evacuation activities sa lalawigan ng Batangas bunsod ng nakaambang pagputok ng Bulkang Taal.

Sa ulat na nakarating sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), dahil dito ay naghahanda ang Batangas PDRRMC na isailalim sa swab testing ang mga evacuee kung kinakailangan para matiyak na ligtas ang mga ito sa banta ng COVID-19.

Sakali umanong may magpositibo ay dadalhin ito sa mga isolation facility, at kung punuan na ang mga ito ay maaari naman dalhin ang mga COVID-19 positive sa probinsiya ng Laguna.

Ayon kay Office of Civil Defense 4A Regional Director Maria Theresa Escolano, iniiwasan nilang magkaroon ng hawahan. Kung may magpopositibo umanong evacuee ay agad na isasailalim sa lockdown ang evacuation center upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Samantala, dahil sa patuloy na aktibidad ng Taal Volcano na una nang inihayag ng Phivolcs na maaaring magkaroon ng malakas na pagsabog ay pinag-aaralan ng OCD Region 4A ang paglilikas na rin sa mga residenteng naninirahan sa high-risk areas sa paligid ng bulkan.

Itinaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang estado ng bulkan dahil sa naganap na phreatomagmatic eruption noong unang araw ng buwang kasalukuyan.

Sa pagpupulong ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO), nabatid na nasa 948 pamilya (3,416 individuals) na ang nasa mga evacuation center; Laurel-587; Nasugbu-29; Balete- 50 families at Agoncillo, 282 na may pamilya.

Binigyang-diin pa ni Escolano ang mahigpit na pagpapatupad ng checkpoints sa mga pangunahing daan patungo sa danger zones upang maiwasan ang pagbalik ng mga residente sa kanilang bahay o ang maaaring pagpunta ng mga turista sa paligid ng Taal Lake upang mamasyal. (JESSE KABEL)

104

Related posts

Leave a Comment