TAAS-PASAHE EPEKTIBO SA OKTUBRE 4

(PAOLO SANTOS/BERNARD TAGUINOD)

EPEKTIBO sa darating na Oktubre 4 ang dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Ito ay makaraang pagbigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga petisyon sa fare hike.

Pinayagan ng LTFRB ang provisional P1 minimum fare increase sa traditional at modern jeepneys kaya’t P12 at P14 ang magiging bagong pasahe sa unang kilometro ng biyahe ng mga ito.

Sa city at provincial buses naman, P5 ang itataas sa unang limang kilometro ng biyahe sa ordinary at airconditioned bus at karagdagang P0.35 at P0.50 sa bawat kilometrong dagdag.

Tataas naman ng P5 ang flag down rate sa mga taxi at transport network vehicle at wala nang dagdag na pasahe sa karagdagang distansya ng biyahe.

Naghain ng petisyon ang iba’t ibang transport groups para magdagdag ng pasahe sa gitna ng mataas na halaga ng krudo.

Samantala, isinisi sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang fare hike na inaprubahan ng LTFRB.

Ayon kay dating Anakpawis Party-list National President Ariel Casilao, naiwasan sana ang fare hike kung hindi ipinasa ng nakaraang administrasyon ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law noong 2018 na naging dahilan para patawan ng excise tax ang diesel na ginagamit ng transport groups.

Lalo aniyang lumala ang kalagayan ng sektor ng transportasyon matapos magmatigas ang nakaraang administrasyon na suspendihin ang excise tax at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo nang tumataas ang presyo ng krudo sa World Market.

Nakaraang taon pa aniya umaaray ang maliliit na driver ng jeepney, sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.

“Dahil hindi tinugunan ni Duterte ang panawagan ng mamamayan na isuspinde ang mga buwis sa produktong langis para bumaba man lang ito, nanatiling mahal ang mga ito, kaya makatwiran lamang ang fare hike. Ang dapat sisihin dito ay ang gobyernong walang silbi,” ani Casilao.

Subalit ang higit na tatamaan aniya rito ay ang mga mananakay dahil malaki ang epekto nito sa kanila lalo na sa mga manggagawa na kakarampot pa rin ang sahod hanggang ngayon.

“Mabigat ang fare hike na ito, halimbawa ang Philcoa to Quiapo na 12 kilometro ay papatak ng P23 dati o P46 two-way, ay magiging P26.40 na o P53 na. Ito ay P7 kada araw o halos 15% na pagtaas, lampas doble ng inflation rate,” ani Casilao.

173

Related posts

Leave a Comment