TABANG BICOL, INILUNSAD NG AKOOFW

NAPAKARAMING pamilya ang lubhang naapektuhan ng napakalakas na bagyong Rolly (Goni) na humambalos ng husto sa Bicol region nitong nakaraang Nobyembre 1, 2020.

Marami sa mga tahanan ay natabunan ng lahar at malalaking bato mula sa sa kapaligiran ng bulkang Mayon at marami rin ang hanggang ngayon ay nakalubog sa malalim na baha.

Ang mga local government officials sa ilang munisipalidad at barangay ay nagmamakaawa ng tulong dahil ang kanilang Calamity Fund ay nasaid na dahil sa pagbibigay ng ayuda nitong panahon ng pandemya.

Marami rin akong natanggap na mensahe sa aking viber, Messenger at email na nagmula sa mga OFW na kasalukuyang nasa ibang bansa.

May ilan na tumatawag sa akin at umiiyak dahil sa sobrang pag-aalala sa kanilang pamilya. Kabilang dito ay isang mensahe na may kalakip pang larawan ng kanyang pamilya na nakaupo na lamang sa maputik na bahagi ng bakuran dahil ang kanilang tahanan ay inanod ng malakas na baha.

Nakakadurog ng puso ang ganitong sitwasyon lalo na para sa mga OFW dahil mistulang nakatali ang kanilang mga kamay na wala silang magawa para damayan ang kanilang pamilya.

Kung kaya, ang AKOOFW ay naglunsad ng pansamantalang programa para makatulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly na may titulong “Tabang Bicol”.

Ito ay ang pangangalap ng mga donasyon na gagamitin sa pagbili ng mga pagkain at ilang kagamitan na dadalhin sa lugar na lubhang nasalanta ng bagyo.

Kabilang din sa mga dadalhin sa Bicol ay ang mahigit na 100 na pirasong bubong (roof) na gagamitin sa ilang paaralan na tinangay ng malakas na hangin ang bubong.

Kabilang sa mga hinahangad na dalhin sa Bicol ay bigas, mga pagkain na de lata, personal hygiene kit, noodles at iba pang mga bagay na makakatulong kahit pansamantala lamang.

Layunin ng AKOOFW na iparamdam sa ating mga kababayan sa Bicol ang ating pakikiisa at pakikiramay sa kanilang ­pinagdaraanan na krisis.

Ang sinumang may ­mabubuting kalooban ay tinatawagan na magpadala ng kanilang donasyon sa kahit anong halaga sa GCASH account number na 0956 846-7849 na may account name na Celerino Umandap. Samantala ang magbibigay ng donasyon na ­materyales (in-kind) ay maaring dalhin sa Umandap Building, 5337 Ben Harrison St., Pio del Pilar, Makati City.

Ibig kong iparating ang ­aking lubos na pasasalamat sa mga kaibigan na unang nagbigay ng kanilang suporta sa ating Tabang Bicol. Kabilang na dito si Makati City District 1 Representative Romulo “Kid” Pena, Guia League, Nald Santos, Jess Castillo at Marco Antonio Tancangco.

Samantala, apat na mga kaso o sumbong ng mga OFW ang ating bibigyan ng pansin at solusyon sa aking programang Bantay OFW sa DWDD 1134 KHz AM. Kasama sa aking inimbitahan si Labor ­Attache Nasser Mustafa ng Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh, Saudi Arabia at si OWWA Welfare Officer Atty. Llewelyn Perez. Ang programa ay inyong mapapakinggan at mapapanood mamayang alas-6:00 ng gabi .

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

137

Related posts

Leave a Comment