TAGUAN ‘PONG’ NG PUSA AT DAGA

PUNA

KAPANSIN-PANSIN sa ngayon na malayang naka­kagala kung saan-saan ang mga daga (kriminal) dahil sa nawawala ang mga pusa (awtoridad) hindi lang sa Metro Manila subalit sa lahat yata ng sulok ng Pilipinas.

Naglabasan na naman ang riding in tandem o mga kriminal dahil natutulog sa pansitan ang mga pulis o kaya naman ay nasa ilalim ng tulay sa kandungan ng kanilang mga kalukadidang (mistress).

Kapansin-pansin nitong mga nakaraang araw, sunud-sunod na naman ang insidente nang pamamaril kabilang na ang isang vendor na hindi pinaligtas ng holdaper.

Nag-viral sa social media ang insidente nang pamamaril sa vendor ng drug addict at nahuli ang salarin.
Ang masakit dito, walang  kagatul-gatol na sinisi pa ng suspek ang biktima na kaya niya raw binaril ay dahil ayaw ibigay ang pera nitong kinita sa pagtitinda.

Aba’y katwiran ng wala sa sariling wisyo. Malamang adik ang loko.

Ilang araw matapos ang insidente ay binawian ng buhay ang vendor dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa leeg.

Nakakasama ng loob at nakagagalit kapag ganito nababatid natin sa balita dahil naghahanap-buhay ng parehas yung tao para lang isahan ng batugang holdaper.

Noong Miyerkoles naman, pinagbabaril ng riding in tandem ang sasakyan ng actress na si Kim Tiu habang binabagtas nila ang kahabaan ng Katipunan ­Avenue sa Quezon City.

Masuwerteng walang nasaktan sa mga lulan ng sasakyan ng actress kabilang ang driver niya.

Ayon sa Pulisya 7 bala ng baril ang tumama sa sasakyan ni Kim at malayang nakatakas ang mga suspek.

Tanong tuloy ng nakararami kina Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Ronnie Montejo at ­Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Anchie Gamboa, saan na ang Police visibility na ipinagmamalaki nila?

Kaya daw ­naka­ka­p­aghasik ng lagim ang mga kriminal dahil walang nakikitang mga Pulis sa lansangan.

Nagpapatunay lang na walang Pulis sa pinangyarihan sa insidente ng pamamaril kay Kim dahil araw na kung saan ang maituturing na abalang lugar dahil maraming tao at may mga katabi pang kilalang unibersidad at kolehiyo.

Nag-iisip tuloy si Sen. Richard Gordon na muling buhayin ang panukalang batas na palakihin ang mga plaka ng motorsiklo.

Ang riding in tandem ay hindi gumagamit ng plaka na ikakabit sa motorsiklo tuwing gagawa sila ng krimen.

Para maresolba ang ­problema ng riding in tandem tapatan ng motorcycle unit ng PNP at palakasin nila ang kanilang intelligence.

Saan nga ba nagpupunta ang motorcycle unit ng QCPD at PNP?

Sa ilalim ng tulay o sa pansitan?

‘Wag n’yo po isisi sa dami ng single motorcycle ang inyong kapalpakan sa halip ay dapat gawin n’yo ang inyong mga trabaho para hindi ­sayang ang isinusuweldo sa inyo ng pamahalaan.

Wala na kayong pwedeng gawing dahilan na kaya kayo tinatamad magtrabaho dahil maliit ang inyong mga sweldo.

Tinupad na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako sa inyo na lalakihan ang inyong mga sweldo.

Ano pa ang gusto nyo? JOEL AMONGO

 

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com.

 

261

Related posts

Leave a Comment