UMANI ng kaliwa’t kanang batikos si Taguig 2nd District Representative Pammy Zamora mula sa mga residente, netizens, at empleyado ng barangay at lungsod dahil sa hindi pagsunod sa protocol at paninigaw sa mga kawani sa isang evacuation center sa Barangay Fort Bonifacio nitong Huwebes, Hulyo 25.
Sa viral video sa Facebook, makikita si Cong. Zamora na nagagalit sa mga empleyado na nasa Gat Andres Bonifacio High School dahil hindi umano siya pinapapasok para makapagbigay ng tulong sa evacuees. Tugon naman ng City Social Welfare and Development Office staff na si Faisal Gamao, maayos nilang pinapaliwanagan ang kongresista tungkol sa kailangang koordinasyon sa CSWD ngunit bigla na lang daw silang pinagsisigawan nito.
“Alam nyo naman po kahit noong Councilor pa kayo na kailangang centralized ang pagtanggap ng donasyon. Ito ay para matiyak na angkop ang mga donasyon, maibigay ito sa mas nangangailangan, at maging maayos ang distribution,” ani Gamao.
“Napaka-stressful ng kondisyon [ng mga evacuees]. Hindi naman pwede na kahit anong oras na lang ipapatawag sila para makausap sila ng elected official. Pagod na sila. May mga nagpapasuso ng sanggol at nag-aalaga ng mga bata. May mga senior citizens at PWDs. Kaya may takdang oras ng pagbisita sa evacuation centers ang mga nais tumulong”.
Hinaing naman ni Ma. Jermaine Valdex Cuizon, isang barangay staff na nakatalaga sa nasabing evacuation center, “Instead na nasa kanya-kanya kaming pamilya ay mas pinili namin na nasa evacuation center para maglingkod pero ano ang naging balik samin? Paninigaw at pag-aakusa ng kung anu-ano na wala namang katotohanan. Paano pa susunod ang ibang mamamayan sa patakaran kung mismong opisyal ng gobyerno ay hindi marunong sumunod?” tanong niya.
Dahil sa pangyayari ay hindi naiwasang ikumpara ang kongresista kina Senator Imee Marcos, First District Congressman Ading Cruz, Jr. at maging sa Megaworld, San Miguel Integrated Logistics, at Victory BGC na maayos na nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at barangay para sa relief distribution nito sa isang evacuation center sa Taguig nitong Biyernes.
Hindi rin napigilan ng iba na punahin ang pag-asta at pagsasalita ng Congresswoman: “The way mag-react ang mukha niya sa harap ng mga tao para niyang mino-mock mga kausap niya.
Magsasalita na parang bata tapos tatawa sa huli,” komento ni Aimen.
“Parang nag acting workshop lang si Pammy Zamora nagdadrama na ayaw papasukin sa end ng video tumatawa naman,” sabi naman ni Joralyn.
“Stupid script, bad acting, poor directing,” puna ni Mariz.
May mga pumuna rin na mabilis nilang nahalata ang tunay na intensyon ng kongresista.
Ayon kay Aura, astang nagmamayabang sa tulong na dala niya ang Congresswoman na napapalibutan pa ng mga security at napakadaming staff na nagpipicture at video lang sa kanya.
Gayundin ang komento ni JM, “Wag po nating gamitin ang kalamidad sa pagpapasikat. Hindi po ikakabawas ng pagkatao nyo ang pagsunod sa Protocols. Tumatawa pa kayo sa video na halatang sinasadya nyo yung pagmamaktol nyo.”
Samantala, marami ang nagsabing nagsisisi sa pagboto kay Zamora kasama na si Jacqueline.
“Sayang kung bakit naboto pa kita nuon wala ka palang kwenta..para kang pusa na ngiyaw ng ngiyaw pagkasbi ng ayaw po akong papasukinn..sabay ngising aso kitang kita sa video ang sama naman panuorin.”
Sa isang pahayag, nilinaw ng Lungsod ng Taguig na kailangang sundin ang tamang proseso na itinakda ng lokal na pamahalaan sa pamimigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo at habagat.
“All donations and assistance should be received by and coursed through the City Social Welfare and Development Office. All efforts should be coordinated to ensure efficient and orderly operations, and afford evacuees security and privacy,” paliwanag ng Taguig LGU.
“Even before the pandemic, the city does not allow anybody or any group to just go to the evacuation centers to distribute whatever they want anytime they want. This process is not unique to Taguig. This has been adopted by many government offices, and has become part of standard operating procedures in management of evacuation centers,” saad pa ng Taguig sa pahayag na inilabas nito.
