Safekeeping ng BOC pinasisilip NASASAMSAM NA FAKE PRODUCTS NIRE-RECYCLE?

(JOEL O. AMONGO)

PINANGANGAMBAHANG ma-recycle o muling maibenta sa merkado ang nasamsam kamakailan na P11 bilyong halaga ng pekeng produkto sa Binondo, Manila.

Sa ulat ng Bureau of Customs (BOC) noong nakalipas na Biyernes, nasamsam ng Intellectual Property Rights Division (IPRD) ang mga peke o imitasyon ng mga sikat na brand tulad ng Gucci, Chanel, Louis Vuitton, Nike, Rolex, Apple, Hermes at Dior.

Pinangunahan umano ang operasyon ni Port Collector Rizalino Toralba ng Port of Manila (POM) at ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Ayon sa ulat, si IO3 Paul Pacunayen, hepe ng CIIS-IPRD at Toralba ang nangangasiwa sa IPR items.

Subalit may mga nangangamba sa anila’y maling estratehiya sa paghawak sa mga nakukumpiskang produkto dahil nag-iisyu lamang ng “safekeeping order” sa Condemnation Facility sa pamamagitan ng isang Mission Order. Hindi na umano ito kailangang opisyal na i-award kaya hindi ganap na kontrolado ng AOCG at OCOM (Office of the Commissioner).

Ibinigay na halimbawa ang nakumpiska ring vape products na nagkakahalaga ng higit P500 milyon.

Sa impormasyon ng SAKSI NGAYON, halos ubos na ang mga ito dahil ibinenta na nang paunti-unti.

Dahil dito, umapela ang ilang kawani na magpa-imbentaryong muli sa warehouse ng RCU Condemnation kung saan dinala ang mga vape para sa safekeeping.

Kailangan umanong gawin agad ang pagsusuri lalo pa’t gagawin na ang Mission Order para sa P11-B nasamsam na pekeng produkto. Sa susunod na linggo, hahakutin muli ito para sa safekeeping sa RCU gamit ang parehong scheme na ginamit sa operasyon ng vape.

Sa paraang ito ay maiiwasan anila na maibalik sa merkado ang nasamsam na produkto.

Kaugnay nito, nanawagan ang Citizen Crime Watch (CCW) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan ang Bureau of Customs (BoC).

Ayon kay CCW National President Diego Magpantay, tuloy ang ligaya ng mga sangkot sa korupsyon sa ahensya.

Naniniwala ang grupo na dapat tutukan ng administrasyong Marcos ang korupsiyon sa BoC lalo pa’t hindi umano natatakot ang mga smuggler dahil sa matinding lagayan.

Patuloy na sinisikap ng pahayagang ito na makuha ang panig nila Pacunayen at Torralba sa nabanggit na usapin.

200

Related posts

Leave a Comment