PUNA ni JOEL O. AMONGO
ISINIWALAT ng isang menor de edad ang pagkakakilanlan ng umano’y lalaking gumahasa sa kanya, sa pamamagitan ng sinumpaang salaysay, na isang negosyante sa Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo City.
Sa complaint affidavit ng biktima, kinasuhan niya ang isang nagngangalang Simon Su para sa krimeng RAPE, SERIOUS ILLEGAL DETENTION at CORRUPTION OF MINOR.
Ayon sa biktima, noong Hulyo 2022, nagsimula siyang magtrabaho sa isang canteen sa Morong, Bataan bilang isang dishwasher matapos siyang ipasok ng kanyang tiyahin. Ang nasabing canteen ay pagmamay-ari ni Su.
Sa parehong taon ay dumating si Su sa canteen na ipinakilala sa kanya bilang may-ari ng canteen, na tinawag na BOSS ng tiyahin ng dalagita.
Kalaunan, nilapitan nito ang dalagita at nagpakuha ng selfie picture, nagka-interes umano ito sa complainant, at sinabing “ANG GANDA MO”. Sa panahon na ‘yan ay 15-anyos pa lamang ang biktima.
Makalipas ang ilang araw na pagtatrabaho ng dalagita sa canteen, ay mayroong isang babae na tinawag na “Ma’am Michelle”, na nagpakilalang secretary umano siya ni Simon Su, at nagbigay ng cellphone sa biktima, “PINAPABIGAY NGA ITO SA ‘YO NI BOSS SIMON.”
Dahil sa takot ng biktima na pagalitan siya ng kanyang tiyahin na nakilala sa pangalang “CI”, ay wala siyang nagawa kundi tanggapin ang mga ipinabibigay sa kanya ni Su.
Ayon pa sa paliwanag ni Michelle sa dalagita, kaya binigyan siya ng kanyang Boss Simon ng cellphone ay bilang regalo nito at para madalas silang magkausap na dalawa.
Nagpabigay rin umano si Su ng IPad sa dalagita para may magamit ito sa kanyang online class.
Pagkalipas ng tatlong araw na pagtatrabaho ng dalagita sa canteen, si BOSS SIMON, sa pamamagitan ng kanyang secretary, ay ipinasundo ang complainant na isinakay sa van at dinala sa library ng opisina nito at kalaunan ay dinala sa resthouse ng suspek sa Kalayaan Heights, Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo City.
Ikinulong umano ang biktima sa isang kuwarto ng rest house na pag-aari ni Su at kalaunan ay pinasok nito kung saan isinagawa ang pwersahang panghahalay sa dalagita. Hindi umano nakapalag ang dalagita dahil nasa teritoryo siya ni Su, kung saan ay tatlong ulit siyang ginahasa.
Nabalitaan din ng biktima na ang kanyang tiyahing si CI ay humingi umano ng perang nagkakahalaga ng P50K, at P60K at hindi pa nabatid na halaga, kay Su habang pinagpapasasaan siya ng suspek.
Dahil sa trauma ng biktima, dalawang taon na hindi siya halos lumalabas ng bahay, subalit noong Pebrero 2025 ay nagkaroon siya lakas ng loob na magsampa ng kaso laban kay Su.
Kanyang inireklamo sa Office of the City Prosecutor, Olongapo City, Zambales si Simon Su, legal age, may-ari ng Tipo High Tech Eco Park (THEP) na matatagpuan sa Subic Bay Freeport Zone.
Kabilang sa mga kasong kanyang isinampa ay RAPE, SERIOUS ILLEGAL DETENTION at CORRUPTION OF MINOR o paglabag sa Child Abuse Law.
Sinikap natin na makuha ang panig ni Simon Su, subalit hindi natin ma-contact ang inirereklamo.
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
