MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
INTELEHENTE ang dapat nating iluklok sa Mataas na Kapulungan o sa Senado at hindi dancer dahil sa rami ng mga problemang kinahaharap ngayon ng bansa tulad ng corruption, mataas na presyo ng bilihin, mababang sahod, kawalan ng trabaho at kung ano-ano pa.
May mga senatorial candidate kasi na walang mailatag na plataporma kundi sumayaw lang sa kanilang kampanya. Hindi na tayo magbabanggit ng pangalan baka pagdating ng araw ng eleksyon ay maalala niyo siya.
Nakasusuka talaga na may mga kandidatong ganito eh hindi dancer ang kailangan nating manilbihan sa atin sa Senado sa loob ng anim na taon kundi isang intelehente dahil paggawa ng batas ang kanilang trabaho.
Kung pagsasayaw lang ang alam ng mga ito ay hindi dapat sa Senado mag-apply kundi sa mga club kung saan may nagsasayaw na macho dancers, dahil seryosong trabaho ang paggawa ng batas.
Sa bilang ko, apat na ang senatorial candidates ang pasayaw-sayaw, ilan sa kanila ay parang mga tukmol naman kung magsayaw.
Nakasusuka, pero sige pa rin sila, hindi na nahiya sa kanilang sarili.
Sabagay hindi lang ang senatorial candidates ang gumagawa niyan kundi may local candidates din at hindi pa sila makapagsasayaw ngayon dahil sa Marso 28 pa magsisimula ang kampanya ng local candidates.
Ang masaklap naman sa ating mga kababayan ay kinikilig naman sila at sasabihing iboboto nila kasi gwapo, kasi mabait, magaling sumayaw at kung ano-ano pa, hindi iniisip ang sarili at pamilya.
Kaya walang nangyayari sa ating bayan, eh kasi ang ibinoboto natin sa Senado ay mga walang alam kundi sumayaw lang tapos magrereklamo kayo kung bakit walang nangyayari sa ating bayan.
Ang mga botante na hindi nag-iisip ang dapat sisihin kung bakit patuloy na naghihirap ang ating bayan, kung bakit palala nang palala ang katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan at kawalan ng oportunidad.
Kung talagang gusto ng CDE voters o ‘yung gusto na umayos ang ating bayan at makaahon sila sa hirap, simulan na ang pagpili ng mga matitino at may pinag-aralang mga kandidato at hindi ibase ang boto niyo dahil guwapo ang kandidato, magaling magpakilig at sumasayaw.
Hangga’t hindi nagdedesisyon nang tama ang masa at hindi boboto ng mga nararapat sa Senado, malabo tayong makaahon sa hirap kaya sana pagdating ng araw ng halalan ay isipin ang sarili at bayan.
Ang mga botanteng ito lang ang pwedeng makapagpapabago sa ating bayan at hindi ang AB voters dahil hindi naman bumoboto ang mayayaman at middle class, sa totoo lang!
