INATASAN ng Department of Interior and Local Government ang nasa 42,000 barangay units para sa agarang pagsusumite ng kumpletong talaan ng mga residenteng hindi pa bakunado.
Giit ni Undersecretary Jonathan Malaya na tumatayong tagapagsalita ng DILG na pakay ng pamahalaang tukuyin kung sino lamang ang dapat panatilihin sa kani-kanilang mga tahanan kung saan umano planong puntahan ng vaccination team para turukan ng bakuna kontra COVID-19.
“Nagpalabas po si Secretary Año ng memorandum circular para magsagawa ang lahat ng mga barangay sa buong bansa para malaman ‘yung hindi pa nagpapabakuna sa barangay,” ani Malaya.
Sa sandaling makumpleto na ang talaan, ito na rin aniya ang gagamiting batayan para sa pagpapasa ng ordinansang magtatakda ng limitadong paglabas ng mga residenteng wala pang bakuna.
Sa National Capital Region (NCR), tanging ang mga lungsod ng Pasig, Makati at Navotas pa lang ang nakapagpasa ng isang ordinansang hiling ng Pangulo sa hangaring tukuyin kung sino pa ang dapat bakunahan – sa ayaw man o gusto. (LILY REYES)
