TALO TAUMBAYAN SA AWAY NG KAMARA AT SENADO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAALALA ko pa sinabi ng Tatay ko noong bata pa kami na kapag sa isang bahay ay nag-aaway ang mag-asawa, wasak ang tahanan at walang ibang maaapektuhan kundi ang kanilang mga anak at tiyak na sila ay mapababayaan.

Bumalik sa aalala ko ang sinabing ito ng aking Tatay dahil sa away ngayon sa pagitan ng Kamara at Senado at nag-aalala ako sa sambayanang Pilipino na tiyak na maaapektuhan sa bangayang ito ng mga senador at congressman.

Noon pa man ay maraming hindi napagkakasunduan ang Kamara at Senado at kalimitang hindi pinagkakasunduan ang Charter Change (Cha-Cha) pero ngayon ay lumalala dahil sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Sa isyu ng Cha-Cha, kailanman ay hindi pumapayag ang mga senador na amyendahan ang saligang batas dahil sa takot nila na mawala sila sa political scene lalo na’t may mga nagsusulong na gawing unicameral system ang legislature.

Mas madaling mabuwag ang Senado kaysa Kamara at walang mapupuntahan ang karamihan sa mga senador na walang sariling balwarte habang ang mga congressman ay may sariling distrito.

Isa lang ‘yan sa dahilan kaya tutol ang mga senador na amyendahan ang saligang batas at hindi sa anopaman. Walang naniniwala, kahit ako, na idinedepensa nila ang demokrasya ng bansa kaya nakikipagbangasan sila ng mukha kapag ang pinag-uusapan ay Cha-Cha.

Pero nitong nakaraang mga buwan, kapansin-pansin na mas tumindi ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang kapulungan dahil sa impeachment case ni Duterte at nag-aakusahan sila sa isa’t isa.

Iilan lang sa Senado ang gustong matuloy ang paglilitis kay Duterte pero mas marami ang ayaw dahil lalong mahahati raw ang bansa sa usaping ito at maraming trabaho at panukalang batas ang maaapektuhan.

Pero sa hindi pagkakasundong ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso, palagay niyo ba ay hindi maaapektuhan ang kanilang trabaho at pagsisilbi sa sambayanang Pilipino? Anong palagay n’yo?!

Heto ha, sa bangayang ito ng mga senador at congressman, palagay n’yo hindi sila maggagantihan pagdating sa mga panukalang batas? Palagay n’yo susuportahan ng Kamara ang panukala sa Senado na magpapabango sa kanila pero kailangan ng mga tao o vice versa?

Sigurado ako na ang apektado riyan ay ang sambayanang Pilipino dahil maiipit sila sa away na ito ng mga senador at congressman. May kasabihan nga na “Kapag nag-away ang dalawang elepante, ang damo ang magdurusa”.

Wala ring maniniwala sa trabaho ng Senado na lalabanan nila ang katiwalian sa gobyerno dahil ang dahilan ng away nila sa Kamara ay kaso ng isang tao na inaakusahan ng katiwalian at pang-aabuso. Gets n’yo?

7

Related posts

Leave a Comment