BATANGAS – Patay ang isang jobless na lalaki makaraang barilin ng hindi kilalang suspek sa parking area ng isang mall sa Lipa City noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Rodanter Pesigan, 30-anyos, residente ng Barangay Kayumanggi sa nabanggit na lungsod.
Batay sa report ng pulisya, nakasakay ang biktima sa tricycle nang harangin at barilin ng isang lalaking armado ng maiksing kalibre ng baril sa tapat ng mall sa Barangay Marawoy bandang ala-1:00 ng umaga.
Hindi napuruhan kaya nakatakbo ang biktima patungo sa parking lot ng mall ngunit hinabol ng suspek at saka muling pinagbabaril.
Agad nalagutan ng hininga ang biktima sa insidente dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang suspek at kung ano ang motibo sa pagpaslang sa biktima. (NILOU DEL CARMEN)
151 