TAMLAY NG EDSA SINAMANTALA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PATULOY na nananamlay ang espiritu ng EDSA People Power revolution na nagpatalsik sa pamilyang Marcos sa Malacañang noong 1986, kung ang pagsama-samang muli ng mga anti-Marcos sa ika-38 anibersaryo ng bloodless revolution noong Linggo, ang pagbabasehan.

Kahit ginamit ang usapin sa Charter change (Cha-cha) ay hindi pa rin maganda ang attendance ng mga sumama sa EDSA kahit lumabas sa survey na hindi suportado ng taumbayan ang Cha-cha dahil mas may importanteng mga bagay ang nais nilang unahin ng Kongreso na aksyunan tulad ng pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing pagkain.

Tulad ng dati, pawang mga militanteng grupo lang ang nagparami ng mga tao sa EDSA pero hindi sapat ang kanilang bilang para mapunong muli ang kalyeng ito ng mga tao at maiparamdam sa administration ni Junior ang kanilang puwersa.

‘Yung supporters ni dating Vice President Leni Robredo na dumalo sa kanyang campaign rally, hindi nagparamdam sa ika-38 anibersaryo ng EDSA kahit pumatak sa araw ng linggo ang pagtitipon na ito.

Wala ring mga tinatawag na masa sa pagtitipon na ito dahil malamang iniisip nila wala naman silang pakinabang kapag sumali sila sa rally dahil sa mga nakaraan, ginamit lang sila ng mga politiko na siyang tunay na nakikinabang kapag nagtagumpay ang isang krusada tulad noong 1986.

Headless leader din ang opposition ngayon at walang appeal sa masa ang karamihan sa kanila, walang suporta ang business sector at alam ‘yan ng administration kaya malakas ang loob nila na itulak ang Cha-cha. Ang middle class naman ay hindi maasahan dahil bagama’t mula sa hanay na ito ang mga supporter ni Leni ay hanggang sa salita lang sila at wala sa gawa.

Tingin ko, naging gauge o panukat nila ang katatapos na pagtitipon sa EDSA para ituloy ang Cha-cha dahil alam nila na kulang ang puwersa ng kumokontra sa pag-amyenda sa Saligang Batas, kaya nga itinuloy ng Kamara ang pagdinig sa Resolution of Both Houses (RBH) No.7, isang araw pagkatapos ng pagtitipon sa makasaysayang kalyeng ito.

Kung maramdaman ng administrasyon na nagkakaisa ang taumbayan at naipakita ‘yun sa EDSA noong linggo, malamang ay magdadalawang isip ang mga congressman pero dahil sa kanilang nakita, lalong lumakas ang kanilang loob.

Ang tingin tuloy ng mga congressman, hindi ang taumbayan ang kanilang kalaban sa Cha-cha kundi ang Senado na lang kaya hindi na sila magpapapigil sa pagbabago sa economic provisions.

Kung hindi bibigay ang Senado, mas delikado sila dahil itutuloy ang Peoples Initiative (PI) at kapag nangyari iyan, baka lusawin ang bicameral na sistema at gawing unicameral na sistema na umiral noong panahon ng diktadurya.

Marami sa mga senador natin ang tiyak na magreretiro nang maaga sa pulitika dahil wala silang sariling distrito para maging miyembro sila ng Parliament. Patakbuhin mo ang mga iyan sa Congressional District, tiyak talo ang mga iyan.

Kaya ang aabangan natin, bibigay ba ang Senado sa Kamara at babaguhin na ba ng oposisyon ang kanilang political strategy para makahikayat ng suporta sa taumbayan lalo na sa masa at business sector?

305

Related posts

Leave a Comment