MAGUINDANAO – Patay ang isang barangay tanod makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek nang sumilip sa niyugan ang biktima, iniulat nitong umaga ng Martes sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Teofilo Cainglez, 35-anyos, may asawa, miyembro ng Barangay Peacekeeping and Action Team (BPAT) at residente ng Purok Nangka, Barangay Gumagadong, Calawag, Parang, Maguindanao.
Batay sa report ng Parang PNP, habang nasa kanilang outpost ang biktima at kanyang kasama nang makaramdam silang may ibang taong umaaligid at nagtatago sa niyugan.
Dahil dito, tinungo ng biktima ang niyugan para silipin kung sino ang taong umaaligid nang mapansin ang dalawa kataong hindi kilala.
Agad naman siyang napansin ng mga suspek na mabilis siyang pinagbabaril gamit ang M16 rifle.
Tinamaan ng bala ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na agad niyang ikinamatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa posibleng motibo ng mga suspek sa krimen. (ANNIE PINEDA)
262 