TAONG 2026 KATULAD LANG NG 2025

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAGKASAKIT ang mga tauhan ng LOGO cargo (ang naatasang mag-deliver ng abandonadong balikbayan boxes) dahil sa masangsang na amoy na nagmula sa expired na laman ng mga kahon.

Hindi umano kinaya ng mga kargador at mga tauhan sa warehouse ang matinding amoy kaya’t pansamantalang naantala ang delivery, ayon mismo ito sa may-ari ng LOGO cargo na si Joel Longares.

Nangako naman si Mr. Longares na ide-deliver pa rin nila ang mga balikbayan box at sinabihan ang mga may-ari ng mga kahon na ‘wag mag-alala.

Hindi sana mae-expire ang mga laman ng kahon kung ito ay nabayaran ng cargo na nagpadala rito sa bansa at nailabas agad ng deconsolidator nito sa Bureau of Customs.

Ngayong nakikipagtulungan na sa atin si Sen. Erwin Tulfo, umaasa tayong mapanagot ang mga may-ari ng cargo company na nag-aabandona at mag-aabandona ng kanilang ipinadalang mga container.

***

BAGSAK ang ekonomiya ng Pilipinas sa huling quarter ng 2025, aminin man o hindi ng mga nakaupo sa ating gobyerno ngayon.

Ramdam na ramdam ng karamihan sa atin ang epekto ng ‘di matapos na isyu ng korupsyon sa bansa.

Napakulong man ang ilan sa mga sangkot sa maanomalyang mga proyekto ng gobyerno, nananatiling iwas ang mga dayuhang investor na mamuhunan sa bansa. Takot silang mauwi lang sa bulsa ng mga kurakot ang kanilang pera.

Kung patuloy sa pagiging gahaman sa pera ang mga nakaupo sa gobyerno, hindi malayong wala ring pag-unlad ang bansa katulad ng taong 2025. Lulugmok lang lalo ang bansa sa kahirapan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Hindi lang dapat pakitang tao ang ginagawang imbestigasyon sa korupsyon. Dapat magpakita sila ng resulta sa pamamagitan ng pagpapakulong sa malalaking isda.

100

Related posts

Leave a Comment