TAPANG NI VP SARA KAILANGAN SA ISYU NG CHINA

INAABANGAN ng mga administration congressman na gamitin ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang kanyang tapang sa patuloy na pangha-harass at pananakop ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, habang tumatagal ay lalong tumatapang si Duterte at walang isyung pinapalagpas ito subalit pagdating aniya sa isyu ng China ay tameme ito.

“Kapag ibang isyu, ang ingay ni VP, kanyang mga kandidato at kakampi. Pero ‘pag-China na ang kalaban, bigla na lang silang nawawala. Parang nawawala rin ang paninindigan. Sa bullying ng China, doon nila gamitin ang angas. Dapat pro-Pilipinas tayo at hindi puwedeng selective ang tapang,” puna ni Khonghun.

Ginawa ito ng mambabatas sa gitna ng pinakahuling tensyon sa WPS kung saan tinaniman ng China ng kanilang bandila ang Sandy Cay na nasa loob ng exclusive economic zone (EZZ) ng Pilipinas kamakailan.

Sinabi ng mambabatas na habang galit ang sambayanang Pilipino sa ginawang aksyon ng China na hindi tumitigil sa pambabalasubas sa soberanya ng Pilipinas, wala umanong naririnig na pagkondena mula kay Duterte gayung siya ang pangalawang pinakamataas na lider ng bansa.

“Kapag usapang politika, ang ingay kaagad ni VP. Kapag na-criticized siya, may sagot agad. Pero kapag inaatake na ng China ang ating teritoryo, nakakabingi ang kanyang katahimikan,” dagdag pa ni Khonghun.

Ibinasura nito ang katuwiran ng mga Duterte at idiniing tungkulin ng bise presidente bilang ina ng bansa na ipagtanggol ang mga mangingisdang Pilipino na inaalisan at inaagawan ng China ng hanapbuhay.

“Hindi neutrality ang ibig sabihin ng pananahimik eh. Ibig sabihin nito, kampi ka sa China ‘pag tahimik ka sa issue ng encroachment. Paano na lang ang ating mga mangingisda na nalalagay ang buhay sa balag ng alanganin sa West Philippine Sea? Aba, lumalaban sila, ‘di ba? Sa issue ng China, mas matapang pa sila kay VP sa isyu ng interes ng bayan,” ayon sa kongresista.

“Kung kaya niyang ipaglaban ang sarili niya sa harap ng camera, dapat mas kaya niyang ipaglaban ang bayan sa harap ng China,” pagtatapos nito.

(PRIMITIVO MAKILING)

9

Related posts

Leave a Comment